Rachel Alejandro
MAKALIPAS ang mahigit dalawang dekada sa mundo ng showbiz, natupad na rin ang isa sa mga pangarap ni Rachel Alejandro — ang maging certified Kapamilya artist.
Ayon sa maituturing na ring OPM icon, mula nang pumirma siya ng kontrata sa Star Magic na-feel daw niya na may lugar pa rin siya kahit paano sa entertainment industry.
“Matagal ko nang pangarap (ang maging bahagi ng ABS-CBN). I think talaga everything parang fell into place, eh. It’s weird nga how our lives can change in just a blink of an eye.
“Kasi about a year ago or a little over a year ago, nakaupo ako sa couch naming mag-asawa sa New York and of course ito yung kasagsagan ng pandemya and honestly I was looking into my future and parang hindi ko talaga makita,” simulang pahayag ni Rachel sa virtual mediacon para sa kanyang bagong album under Star Music, ang “The Great OPM Songbook Vol. 1”.
Pagpapatuloy pa niya, “Naisip ko, parang relevant pa ba ako? Kakanta pa ba ako? Parang ang layo layo na nung possibility na magkaka-concert pa ulit or magkaka-album pa ulit.
“But you know, naging masuwerte naman and parang one thing happened after another. Una nagkaroon ng offer to do this teleserye, my very first one under ABS-CBN.
“Pangalawa, nakausap din ng manager ko of more than a quarter of a century, si tita Girlie Rodis si Lauren Dyogi ng Star Magic and nagkataon din naman dahil si tita Girlie is in the US and she plans to be there for a while, naisip niya na ipaalaga muna ako sa Star Magic.
“So kinausap niya si direk Lauren and sabi naman ni direk Lauren, ‘We’ve always naman loved Rachel. We’ve always wanted to work with her,’” kuwento pa ng singer-actress.
“So ayun, one thing after another and then nu’ng kakauwi ko pa lang galing Amerika nu’ng June, ito naman pumasok yung offer nina sir Roxy (Liquigan) at Jonathan Manalo for Star Music.
“So ako talagang parang what? Biglang all of a sudden ang dami nang nangyayari. It’s proud day for me kasi 11 years din akong walang album and pag ganu’n kasi, parang iniisip mo kung gusto pa ba ako ng mga tao, nandiyan pa ba yung mga fans, yung mga sumubaybay sa mga awitin ko, sa mga luma kong kanta? And hopefully naman nandiyan pa nga sila,” lahad pa ni Rachel.
Nasa Baguio City ngayon si Rachel para sa isang buwang lock-in taping ng bagong Kapamilya series na “The Broken Marriage Vow” na pagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Zanjoe Marudo at Sue Ramirez.
Samantala, natanong din si Rachel sa nasabing presscon tungkol sa issue ng infidelity o pangangaliwa dahil nga ito ang tema ng ginagawa niyang serye.
In fairness, 10 years na pala silang kasal ni Carlos Santamaria na isang Spanish journalist at kasalukuyang nakabase sa New York.
Sey ni Rachel, hindi raw niya agad isusuko ang kanyang marriage kahit ano pa ang mangyari, “Kasi for me, there’s so much more than that.
“In my case, for instance, hindi ko naiisip na gawin yun sa asawa ko, sa boyfriend ko. Never pa akong nag-cheat. Not because of anything else, I think hindi ko kayang manakit,” paliwanag niya.
Pero naranasan na niya ang pagtaksilan, “But it happened in the past that a boyfriend, actually there’s a number of occasions that boyfriends have cheated on me and napatawad ko.
“I guess, that’s how it is, nandu’n ako sa hanay na yun. Di ba, there a lot of women na very understanding? Isa ako du’n. Sa akin, nowadays kasi, it’s not an issue anymore.
“I think, more than anything else, honesty is important, and the fact na maaasahan mo yung tao.
“I think, even more than fidelity, yung monogamy na tinatawag, even way more than that, for me it’s the fact na you know the person has your back. Sa akin, mas matimbang pa yun,” pahayag pa ng anak ng OPM legend na si Hajji Alejandro.