Arestado ang isang British national na nangmaltrato umano ng asawang Filipina sa Cebu.
Hinuli ng mga tauhan ng ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division si Charlton William Sydney, 72-anyos, sa isang beach resort sa Sta. Fe, Bantayan, Cebu, ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.
Inilabas ang mission order laban kay Sydney matapos magdesisyon ang BI Board of Commissioners na kanselahin ang kaniyang permanent resident visa dahil sa pagiging “undesirable alien.”
“Let this serve as a warning to other aliens who maltreat and abuse our Filipino women. We can always have you deported if you abuse our hospitality, and commit acts of violence against our countrymen,” paglilinaw ni Morente.
Ayon kay BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr., nakakuha ang naturang dayuhan ng permanent visa makaraang makasal sa isang Filipina.
Ngunit kinansela ang naturang visa noong nakaraang taon matapos magreklamo ang asawa nito laban sa kanya.
Nakasaad sa reklamo na inaabuso umano siya ni Sydney.
Sinabi ng board na nilabag ng dayuhan ang mga kondisyon at limitasyon ng kaniyang pananatili bilang holder ng permanent resident visa.
Dahil dito, kabilang na si Sydney sa blacklist ng ahensya at hindi na maaring makabalik pa ng Pilipinas.