BHUBANESWAR, India–Animnapu’t tatlong manok ang namatay matapos atakehin sa puso dahil sa ingay ng banda ng musiko sa parada ng isang tradisyunal na kasal sa India.
Ayon kay Ranjit Kumar Parida, makatanggal-tutuli ang lakas ng tunog ng banda habang dumadaan ito malapit sa kanyang poultry farm sa silangang estado ng Odisha bago maghatinggabi noong nakaraang Linggo.
“Nakiusap ako sa operator ng banda na pahinaan ang tunog dahil masyadong maingay at nagugulantang ang mga manok. Pero ayaw nilang makinig at sa halip sinigawan pa ako ng kaibigan ng lalaking ikakasal,” wika ni Parida.
Sinabi ng isang beterinaryo kay Parida na atake sa puso ang ikinamatay ng kanyang mga manok. Nagsampa siya ng reklamo sa pulisya laban sa mga nag-organisa ng kasal matapos na tumanggi ang mga ito na bayaran siya sa pinsala.
Ayon sa zoology professor na si Suryakanta Mishra, na sumulat ng isang libro tungkol sa galaw ng mga hayop, ang malakas na ingay ay nagpapataas sa panganib ng cardiovascular na sakit sa mga ibon, kabilang na ang manok.
“Ang mga manok ay may tinatawag na circadian rhythm na kinokontrol ng natural na siklo ng liwanag at dilim ng araw at gabi,” ani Mishra,
“Maging ang biglang excitement o stress dahil sa malakas na musika ay maaaring makagambala sa kanilang biological clock,” dagdag pa niya.
Pero maliban sa mga natigok na manok, masaya naman ang ending ng kwento matapos makunbinsi ng pulisya ang dalawang panig na ayusin na lamang ang lahat sa mabuting paraan.
“Wala na kaming ginawang aksyon nang iurong na ng magmamanok ang kanyang demanda,” ayon sa pulis na si Droupadi Das.