PATAY na si Bongbong Marcos.
Ayon sa petisyong humihiling sa Commission on Elections (Comelec) na ikansela ang certificate of candidacy (COC) ni Ferdinand Marcos Jr., hindi umano ang totoong Bongbong ang tumatakbo ngayon sa pagka-pangulo.
Sinabi ni Tiburcio Marcos sa kanyang petisyon na matagal nang patay ang tunay na Bongbong Marcos at isa lamang umanong impostor ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas, ayon kay James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, sa press briefing nitong Huwebes.
“For Tiburcio, the principal petition raised was identity, something to the effect that BBM is not BBM. It’s not the real guy,” wika ni Jimenez.
Ang urban legend na namatay si Bongbong ay kumalat na noon pa mang nasa posisyon ang kanyang amang si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon sa kwento, nasaksak at napatay si Bongbong sa isang kaguluhan habang ito ay nasa ibang bansa kung saan siya ay nag-aaral noong dekada sitenta. At ang ginawa diumano ng pamilyang Marcos ay naghanap ng kamukha ni Bongbong para palabasin na buhay pa ito.
Sa kanyang vlog noong Mayo, sinabi ni Bongbong na walang katotohanan ang kwentong ito.
“Sa totoo lang po talaga, ako ito. Dahil kung tignan naman po ninyo, sa buong kasaysayan ng buhay ko nasa publiko tayo,” ani Marcos. “Kaya wag po kayong mag-alala, ako po ito.”
Si Tiburcio Marcos ay tumatakbo rin sa pagka-pangulo. Hindi malinaw kung may relasyon siya sa pamilya ng dating senador.
Nasa hapag ng Comelec second division ang petisyon na ito.