Marcos vs Duterte = President Leni

Leni Robredo Rodrigo Duterte Bongbong Marcos

Hindi natin alam kung bakit nawalan ng lakas ng loob at tila nagkulang sa tapang ngayon ang Pangulong Duterte upang direktang pangalanan at sabihin sa taong-bayan kung sino ang kanyang sinasabing presidential candidate na gumagamit daw ng cocaine na kanya pang tinawag na isang weak leader, bagamat sa kanyang putol-putol at paunti-unting salita sa magkakaibang okasyon, alam na natin kung sino ang kanyang tinutukoy. Itinanggi naman ni Marcos na siya ang binabanggit sa mala blind item ng pangulo at agad itong nagpa-drug test na nag-negative naman.

Mabigat ang mga bintang at binitawang salita ni Duterte. Bagay na mahirap nang bawiin o di kaya sabihing joke-joke lang ulit dahil tatatak na ito sa utak ng tao. Totoo  man o kasinungalingan ang mga paratang, ito ay naghuhudyat at nagpapakita ng tuluyang paghihiwalay ng pangulo at ng Marcoses. Isang bagay na tiyak na makakaapekto sa kandidatura ni Marcos. Bagay na maaaring magsara sa pangarap nito na ibalik ang pamilyang Marcos sa palasyo at kapangyarihan.

Mahihirapan o hindi kayang manalo ni Marcos sa pagkapangulo ng walang buong suporta ng pro-Duterte, lalo na yung mga Diehard Duterte Supporters o DDS. Hindi nila ibibigay ang boto kay Marcos kung may ibang kandidato ang kanilang sinasantong Duterte. Ang suporta at boto ng mga ito ay na kay Senator Bong Go, ang dating aide na pinatakbo at binasbasan ng pangulo maski mukhang hindi pa naman ito handa sa ganitong posisyon at obligasyon.

Ang kandidatura ni Mayor Sara bilang bise-presidente at ka-tandem ni Marcos ay hindi rin makakatulong sa sitwasyon nito. Ang inaasahang botong dadalhin sana ng mayor ng Davao City para kay Marcos ay hindi mangyayari. Ang supporters at botante ni Mayor Sara ay pawang mga pro-Duterte at DDS rin. Mga pro-Duterte at DDS na handang-handang suportahan at iboto si Mayor Sara sa pagka-bise presidente ngunit hinding-hindi susuporta at iboboto si Marcos sa pagkapangulo. Sa mga pro-Duterte at DDS, Bong Go-Sara ang ilalaman ng kanilang balota sa 2022 at hindi Marcos-Sara.

Kung hindi mananalo si Marcos ng walang suporta ng mga pro-Duterte at DDS, hindi rin naman mananalo si Senator Go sa pagkapangulo ng walang suporta ng mga Marcos at loyalist. Bukod dito, si Senator Go at Duterte ay masasabing iisa at katulad ng ating naisulat noong nakaraan, aasa lang ang senador kay Duterte, sa indorso at political machinery nito. Pero naglaho na ang “Duterte Magic.” Wala na ang political appeal nito sa sambayanan. Pababa na ang popularidad nito dala ng mga sunod-sunod na corruption issues sa pamahalaan nito, partikular ang kasuka-sukang face shield at face mask corruption scandal sa panahon ng pandemya at ang pag-aabogado nito sa mga isinasangkot dito. Kasama na rin dito ang pagkadismaya ng mga tao sa pagresolba ng pandemya at ang pagkalinga nito sa China kaysa sa interest at soberanya ng bansa tungkol sa West Philippine Sea. Lahat ng survey ay pinatutunayan ito.

Hindi naman kailangan na mag-away at maghiwalay sina Marcos at Duterte para manalo si VP Leni sa pagkapangulo pero kapag ganito ang mangyayari ay matitiyak ang pagpunta nito sa Malacanang sa 2022. Ito ang masakit na katotohanan na dapat tanggapin nina Marcos at Duterte. Isang masamang panaginip ito para sa mga loyalista at pro-Duterte pero ito ang maaaring mangyari. Sabi nga ng iba, Marcos vs Duterte = President Leni.

Sa ngayon, maganda ang tinatakbo ng kandidatura ni VP Leni. Tuloy-tuloy pa rin ang mga tunay at genuine na pink caravan sa iba’t ibang lugar na kusang nilalahukan ng mamamayan. Wala rin duda na nangunguna pa rin ito sa mga usapin sa iba’t ibang social media platforms. Makikita rin na mainit na sinasalubong ang VP ng mga taong-bayan sa halos lahat ng puntahan nito.

Kung magpapatuloy ang mga suportang natatanggap ni VP Leni ngayon sa taong-bayan, pati na ang pagtaas nito sa mga presidential survey na ginagawa ng mga reputable survey firms, idagdag pa ang nagaganap na Marcos vs Duterte, maaaring  papuntang palasyo na ang pink caravan ni VP Leni sa 2022.

Read more...