Erik Matti: Ang pinakaayaw ko talagang katrabaho ay ‘yung mga ‘p*kp*k’

Erik Matti

DREAM cast pala ni Direk Erik Matti sina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo at Joshua Garcia at sa katunayan ay may project na siya na babagay sa tatlo.

Ito ang sagot niya kay Mama Loi sa panayam nito sa kanyang YouTube channel kung sino ang tatlong artista na gusto niyang maka-work.

“Ako, contrary to everyone’s perception ang mga pelikula ko kung anu-ano, pero fan boy talaga ako ng Pinoy movies. Ang sasabihin ko may ina-eye na ako na project ah kaya ang gusto ko talaga na mapagsama-sama ko na artista is si John Lloyd, si Bea Alonzo and sana si Joshua Garcia,” say ni direk Erik.

Napapalakpak naman si Mama Loi, “Ay ang ganda.” At napangiti rin ang talent manager at vlogger na kasama niya sa vlog na si Ogie Diaz.

Sabi pa ng direktor, “Yung tatlo na ‘yun feeling ko still has a lot to give given good characters, di ba?  Gusto ko medyo meaty ‘yung gagawin nilang character.”

Tanong ni Ogie, “Yan ang dream cast mo direk, meron ka bang nakatrabaho na buwisit na buwisit ka dahil hindi marunong umarte?  Na wala kang nagawa kasi hindi mo napalayas?”

Natawa nang husto sina Mama Loi at direk Erik sabay sabi ng direktor, “Alam mo marami akong nakatrabaho nu’ng bata-bata ako na hindi mga marunong umarte na mapapatawad mo na, ‘yun kasi kung nagti-TV ka, wala kang magagawa, di ba? First timer sige, try lang. Ang pinakaayaw kong katrabaho ko is ‘yung tinatawag kong pokpok.”

Nagulat sina Mama Loi at Ogie, “Anong ibig sabihin ng pokpok?” tanong ng huli.

“Yung hindi nag-home work, hindi nagbabasa ng script. Pagdating doon (sa set) sasabihin sa ‘yo, ‘direk kahit anong ipagawa mo gagawin ko,’ pero walang inaambag ba sa eksena!  ‘Yung ‘basta sabihin mo lang direk ha, ano tatayo ba ako dito?’” paliwanag ng direktor.

“Walang input,” saad ni Ogie.

“Oo wala, gusto kumita hindi na magbabanat ng buto,” diin pa.

Ang sumunod na tanong ni Mama Loi, “Dalawang artista na hindi mo pa nakatrabaho na gustung-gusto mong makatrabaho?”

“Okay, Maricel Soriano!” sabi kaagad ni direk Erik, “Big, big fan ako ni Maricel Soriano. Ang hirap hanapin ‘yung Maricel Soriano na personality sa mga artista natin.  Kasi ‘yung typical Pinoy na artista is ‘yung martyr lagi, di ba or ‘yung super emotional o intense.

“’Yung gitna na ‘yan emotionally nandiyan din, intense nandiyan din martyr puwede rin. Si Maricel talaga ‘yan sa generation niya, si Marya lang, di ba?

“Nakatrabaho ko na siya pero gusto ko ulit-ulit and I try to put all the materials pero minsan hindi naman kami magtugma. Si Lorna T (Tolentino). Kasi nakatrabaho ko si Lorna doon sa Mano Po 2 (2003), pero siyempre marami sila,” say ni direk Matti.

“Hindi mo na-maximize,” sabi ni Ogie.

“Hindi mo na-enjoy,” say naman ni Mama Loi na inayunan naman ng premyadong direktor.
https://bandera.inquirer.net/298438/kilalang-aktor-na-dyowa-raw-ng-designer-ayaw-nang-makatrabaho-ni-erik-matti-bakit-kaya

Read more...