‘That’s Entertainment’ members nag-reunion sa musical film na ‘Yorme’

Isko Moreno, German Moreno at Janno Gibbs

MISTULANG reunion ng mga dating “That’s Entertainment” members ang musical film na “Yorme: The Isko Domagoso Story”.

Muli ngang nagsama-sama ang ilan sa mga dating sikat na miyembro ng youth oriented show ni German “Kuya Germs” Moreno na napapanood noon sa GMA 7 kung saan naging bahagi rin si Manila Mayor Isko Moreno.

May cameo role sa “Yorme” sina Bryle Mondejar, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jovit Moya, Manolet Rippol, Jojo Alejar, Lovely Rivero, Keempee de Leon, Ricky Rivero, Karen Timbol, Jeffrey Santos at Maricar de Mesa.

Gumaganap naman bilang parents ni Isko sa movie sina Tina Paner at Ramon Christopher samantalang si Jestoni Alarcon naman ang gaganap bilang Daddy Wowie Roxas, ang  discoverer at talent manager ng alkalde.

Malaki rin ang role ni Janno Gibbs sa musical film na ito dahil siya ang nagbigay-buhay sa karakter ng star builder na si  Kuya Germs. 

Dahil ang “Yorme” ay istorya ng buhay ni Manila Mayor Isko na nagsimula ang showbiz career sa “That’s Entertainment” kaya sinadya ng director ng pelikula na si Joven Tan na bigyan kahit maliliit na role ang dating mga kasamahan ni Yorme sa programa. 


Ayon kay Direk Joven, madali niyang napakiusapan ang mga ito. Ang medyo naging mahirap lang para sa kanya ay kung saan hahagilapin ang iba dahil karamihan sa kanila ay hindi na rin aktibo sa showbiz.

“Wala namang naging problema. Excited pa nga sila, eh,” lahad ng direktor.

Ang “Yorme” ay mula sa Saranggola Media Productions and distributed by Viva Films at pinagbibidahan nina Raikko Mateo (batang Isko), McCoy de Leon (teenager na Isko) at Xian Lim (present generation Isko). 

Mayroong 15 original songs sa pelikula na lahat ay isinulat ni Joven na isa ring award-winning songwriter at 2013 grand champion ng Himig Handog P-Pop Love Songs para sa kantang “Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa” na kinanta ni Ice Seguerra.

Kabilang dito ang kantang “Naniniwala Ako” ni Raikko, “Nais Ko” at “Artista Na Ako” ni McCoy, at “Alam Ko Po Yon” ni Xian. 

May production numbers din si  Janno as Kuya Germs ng mga kantang “Palakpakan” at “Bakit Lahat Gustong Mag-artista?” suot ang kumikinang nitong coats na naging trademark noon ni Kuya Germs. 

Of course, may kaunting kwento rin tungkol sa humble beginnings ng Master Showman bago siya nakilala sa industriya.

Ang pelikulang “Yorme” ay very entertaining dahil sa magagandang kanta at production numbers ng cast. Ipapakita ng pelikula ang mga naging struggles ni Isko nung kanyang kabataan hanggang pasukin niya ang mundo ng pulitika.

Mapapanood na ito sa mga sinehan sa Dec. 1.

https://bandera.inquirer.net/291367/yorme-balak-mag-retire-sa-public-service-sa-edad-50-wala-pa-ring-final-answer-sa-eleksyon-2022

https://bandera.inquirer.net/298253/xian-lim-gusto-na-ring-sumabak-sa-politika-nang-dahil-kay-isko-moreno

Read more...