MUKHANG nangangamoy hiwalayan din ang aktor at aktres na ilang taon na ring magdyowa — ang rason, hindi na raw sila gaanong nagkikita ngayon.
Pareho raw kasi silang abala sa kani-kanilang mga karera na in fairness ay sunud-sunod naman talaga ang projects.
Sabi ng aming source, “Kinakausap pa kasi si _____ (aktor) ng friends niya kung ano na ang final decision. As of now kasi si _____ (aktres) umaapela pa, e, hindi sila magkasundo kasi puro video calls lang, siyempre dapat mag-usap sila ng personal, pero love nila ang isa’t isa talaga.”
E, love naman pala anong dahilan para maghiwalay? “Siyempre hindi nagkikita, alam mo na parehong mainit ang mga ulo.
“Lalo na si girl kasi parang may naamoy siya. Ha-hahaha! ‘Yan ang hirap sa mga lock-in taping, maraming milagrong nagaganap,” sabi sa amin.
Dagdag pa ng kausap namin, “Wait lang natin kung ano ang mangyayari binigyan daw nila ang isa’t isa ng one-week para maayos pag hindi, ‘yun na!”
Wala kaming maramdamang panghihinayang sa dalawa dahil parang mas bagay na hindi taga-showbiz ang makatuluyan nilang dalawa para matahimik na ang buhay nila.
Kasi sa totoo lang ang ingay-ingay ng relasyon ng couple na ito, dapat talaga kalma lang sila tulad ng ibang magkarelasyon sa showbiz.
Anyway, binigyan naman kami ng isang linggo ng aming source bago namin pangalanan ang mga bida sa ating blind item.
* * *
Mas lalawak pa ang mga pagpipiliang programa na maaaring mapanood sa All-Pinoy streaming app na POPTV sa nalalapit na paglulunsad ng pinakabago nitong handog, ang POPTV Kids.
Ang POPTV Kids ang kauna-unahang all-kids programming sa mobile streaming para sa Pinoy bulilits na may edad 3 hanggang 10 na nagsimula na nga kahapon.
“Kami ang unang SVOD platform sa bansa na nag-offer ng isang all kids programming lalo na sa panahon ngayon na madalang na tayo makakita ng kids content sa telebisyon.
“Dito, mae-enjoy ng mga bata ang iba’t ibang pre-school at kids shows ng libre kahit walang subscription. Bukod pa riyan, lahat ng palabas dito ay naka-dub sa Filipino kaya naman mas maiintindihan at mas makaka-relate talaga sila sa kwento,” sabi ni Jackeline Chua, COO ng POPTV.
Ibabandera sa listahan ng kids shows ang Filipino-dubbed version ng International Emmy Kids Awards-nominated pre-school show na “Tish Tash,” na mapapanood sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon.
Mapapanood din ang “George of the Jungle,” “The Journey of Long,” “Ella Bella Bingo,” “Tilda Appleseed,” at “The Kids from Seagull Street,” na pawang co-produced ni Chua kasama ang CEO ng POPTV na si Jyotirmoy Saha sa pamamagitan ng kanilang respektibong animation companies na Synergy88 Entertainment Media at August Media Holdings.
Sa isang pindot lang ng button ay mapapasok ng inyong mga chikiting ang mundo ng POPTV Kids gamit ang POPTV app.
Dahil sa child-lock feature nito, hindi kailangang mag-alala ng mga magulang na mapanood ng mga bata ang mga programang hindi angkop sa kanila dahil kinakailangan nila ng password bago muling makita ang mga programang para sa adult viewers.