JC Santos at Yassi Pressman
“ANG sakit-sakit!” “Grabe! Sobrang bigat naman!” “Tagos na tagos sa puso!”
Ilan lamang yan sa mga narinig naming reaksyon ng mga nakapanood sa celebrity at press screening ng latest offering ng Viva Films na “More Than Blue” starring JC Santos and Yassi Pressman.
Isa kami sa naimbitahan na manood ng “More Than Blue” sa Robinsons Magnolia nitong nagdaang Huwebes ng gabi. Ito ang unang pelikula ng Viva na nagkaroon ng celebrity at press screening makalipas ang halos dalawang taong pagsasara ng sinehan dulot ng pandemya.
In fairness, ibang-iba pa rin talaga ang feeling ng panonood sa sinehan, kaya nga talagang nagpalakpakan ang audience pati na ang mga bida ng “More Than Blue” nang magsimula na ang movie.
Bukod kina Yassi at JC Santos, present din sa “premiere night” ang co-star nilang si Diego Loyzaga kasama ang girlfriend na si Barbie Imperial at ang direktor ng movie na si Nuel Naval.
Ang “More Than Blue” ay mula sa hit Korean romance drama movie na kapareho rin ng title at in fairness uli, talagang lumebel sa ganda at kalidad ng original version ang Pinoy remake nito.
Para sa amin, ito na ang pinakamagandang movie na nagawa nina JC at Yassi, nabigyan nila ng hustisya ang napakabigat at napakalalim na pinaghuhugutan ng kanilang mga karakter.
Tama ang sinabi ni Direk Nuel sa nakaraang panayam sa kanya ng media — may laban ang dalawa niyang bida sa pagka-best actor at best actress sa susunod na awards season.
Grabe! Ilang beses kaming naiyak sa madadramang eksena nina JC ay Yassi, pero ang pinakamatindi naming crying moment (sorry, spoiler alert) ay nang mamatay na si JC dahil sa kanyang sakit.
Hindi na kami masyadong magkukuwento para mas ma-enjoy at ma-appreciate n’yo ang pelikula. Pero tulad nga ng paalala nina Yassi at JC, pati na ng co-stars nilang sina Diego at Ariella Arida, kailangan n’yo ng isang rolyo ng tissue dahil siguradong maiiyak din kayo.
Samantala, sa panayam naman ng press kay Yassi, inamin niyang ito na ang pinakamahirap na pelikulang nagawa niya, “I can say this is the heaviest I’ve done. Iyak ako nang iyak.
“At the start, I had doubts I can do it, sobra but everyone, direk Nuel Naval, scriptwriter Mel del Rosario, my co-stars, they all helped me,” ani Yassi.
Sey naman ni JC, “Na-underestimate ko ‘yung role nu’ng una. It was well-written kaya paano kaya mailalabas ‘yung tamang emotions? Kaya nagkaroon ako ng kodigo.
“Gumawa ako ng letter for my daughter na every time na binabasa ko siya, kapag mabibigat ang mga eksena, it’s a letter na parang it’s my last letter to my daughter. Every time na binabasa ko ‘yun, du’n ako bumibigay!” pahayag ng aktor.
Ang “More Than Blue” ang unang Pinoy movie na ipinalabas sinehan matapos magbukas muli ang mga movie houses noong Nov. 10 makalipas ang halos dalawang taon.
Ngunit hindi pa ipalalabas sa regular run ng mga sinehan ang “More Than Blue”, ito’y maaari lamang mapanood sa digital streaming app na Vivamax.
https://bandera.inquirer.net/296651/jc-santos-sa-movie-nila-ni-yassi-ito-yung-pinakanatakot-ako-nang-sobra-grabe-yung-kaba
https://bandera.inquirer.net/297731/madaling-umiyak-pero-ang-pinakamahirap-ay-yung-magpipigil-ka