Ang muling pagtutuos nina VP Leni at Marcos

bongbong marcos leni robredo

Matapos magkaroon ng political circus at drama, dala ng substitutions ng mga kandidato sa pagkapangulo at bise-presidente noong Sabado at nitong Lunes, na sinabayan pa ng paglabas ng presidential survey ng Social Weather Station (SWS), masasabi na sa ngayon, sina VP Leni Robredo at former senator Ferdinand Marcos Jr. ang nangunguna at inaasahan na maglalaban sa May 2022 presidential election.

Ang hinihintay na paglahok ni Mayor Sara Duterte sa pagkapangulo ay hindi nangyari matapos itong maghain ng kanyang kandidatura bilang vice-president sa ilalim ng partidong Lakas-CMD noong Sabado. Hindi maitatanggi na ikinagalak ito ng kampo ni Marcos dahil naiwasan ang tiyak na paghati ng boto ng mga suporter ng mga Marcoses at Dutertes na maaari nitong ikakatalo. Inaasahan din na magdadala ito ng mga boto kay Marcos na galing sa mga pro-Duterte.

Kung may natuwa sa ginawa ni Mayor Sara mayroon din nalungkot at nadismaya, kasama na rito siguro ang Pangulong Rodrigo Duterte na umaasang magiging pangulo ang kanyang anak sa 2022. Sinabi ni Duterte na hindi nito susuportahan ang kandidatura ni Marcos, na pinaratangan niyang isang pro-communist at  tila sinisi pa ito sa pagtakbo ng anak sa pagka-bise presidente lang. Dala siguro ng galit at desperasyon, inudyukan at binigyan ng basbas ang dating aide na si Senator Bong Go upang tumakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).

Ang pagtakbo ni Senator Go sa pagkapangulo ay pagbalik ng naunang problema at bangungot ni Marcos – ang paghati ng boto ng mga Marcoses at Dutertes. Bagamat hindi sineseryoso ng marami ang kanyang kandidatura bilang vice-president at ngayon sa pagkapangulo, kukunin pa rin nito ang karamihan ng boto ng pro-Duterte, lalo na yung mga Diehard Duterte Supporters o DDS. Kakain din ito ng boto ng taga Mindanao. Mga botong dapat sanang mapunta kay Marcos.

Hindi natin makita na ang mga Duterte supporter ay susuporta kay Marcos kaysa kay Senator Go na personal na pinili at binasbasan ng kanilang sinasantong Duterte. Sa kanila, si Senator Go at Pangulong Duterte ay iisa. Kaya hindi imposible na mangumpanya ang mga pro-Duterte sa mga susunod na araw ng tambalang Bong Go-Sara at hindi Marcos-Sara. Tunay at napakalaking banta ito sa kandidatura ni Marcos.

Katulad ng tambalang Marcos-Sara, ang  pagtakbo ni Senator Go ngayon sa pagkapangulo ay wala naman din epekto sa kandidatura ni VP Leni. Si Marcos, si Mayor Sara at si Senator Go ay may grupo ng botante na hindi naman talaga supporter at botante ng VP. Walang supporter o botong mawawala para dito sa pagtakbo ni Senator Go. Kung mayroon mang epekto, ito ay makakatulong naman kay VP dahil kukunin ng senador ang boto ng pro-Duterte kay Marcos.

Lalong hindi rin banta sa kandidatura ng VP si Senator Go. Ang senador ay aasa lamang kay Pangulong Duterte at sa political machinery nito. Pero pababa na ang popularidad ng pangulo dulot ng mga corruption issues laban sa pamahalaan nito, partikular ang face shield face mask scandal at ang pag-aabogado nito sa mga taong isinasangkot dito. Dismayado rin ang taong-bayan sa pagtugon nito sa kasalukuyang pandemya. Galit din ang marami sa sobrang pro-China ng pangulo at sa pagbalewala nito sa interest at soberanya ng bansa tungkol sa West Philippine Sea. Ang sinumang i-endorso ngayon ng pangulo ay isang “kiss of death” o maaaring ikatalo nito.

Sa ngayon, na kay VP Leni ang momentum para sa 2022. Pinatunayan ito ng mga iba’t ibang reports at surveys na nagpapakita ng magandang senyales sa kanyang kandidatura. Ang VP ang sinasabing may “most mentions online” (September and October) ayon sa Isentia Philippines, isang media and insight company, na malayo namang sinundan ni Marcos. Halos ganito rin ang lumabas sa pag-aaral ng Alpas Consultancy, isa namang strategic communication firm. Walang kaduda-duda ang mga nasabing reports dahil talaga naman nagkaroon ng Pink Revolution sa social media mula ng maghain ito ng kandidatura hanggang ngayon.

Sa huling presidential survey (October 20-23) naman na inilabas ng SWS noong Lunes lang, nanguna ang anak ng dating diktador pero makikita na tumalon ng 12 percent (o puntos) si VP Leni. Mula 6 percent, ito ngayon ay mayroon 18 percent. Tinalunan nito ng malayo ang mayor ng Maynila na si Isko Moreno at si Senator Manny Pacquiao. Ito ay nagpapakita na ang kandidatura ng VP ay papuntang pataas.

Sina VP Leni at Marcos ay dati nang hinusgahan ng taong-bayan ng magharap ito sa balota bilang bise-presidente ng bansa noong 2016. Sila ngayon ay pinagtagpo muli ng tadhana upang pagpilian ulit ng taong-bayan kung sino sa kanila ang mamumuno sa bansa.

Ang isa ay tumatakbo para sa pagbabago at upang magkaroon ng matino at karespe-respetong pamahalaan. Ang isa naman ay upang makabalik sa kapangyarihan at palasyo ang pamilya na minsan ng isinuka ng taong-bayan.

Sa May 2022, ang muling pagtutuos nina VP Leni at Marcos.

Read more...