JC Santos: Madaling umiyak pero ang pinakamahirap ay ‘yung magpipigil ka!

JC Santos at Yassi Pressman

PABOR sina Direk Ruel Naval, Mel del Rosario at JC Santos na sana’y isinali sa 2021 Metro Manila Film Festival ang pelikulang “More Than Blue” na mapapanood sa Vivamax simula sa Nob. 19 dahil magandang panoorin ito sa sinehan.

“It’s Vivas’ prerogative. We wanted to, kaya lang at that time kasi nu’ng ginagawa namin hindi pa open ang cinemas and nalagay na siya sa grid ng Vivamax,” paliwanag ni direk Nuel.

Say naman ni JC, “Pwede ito, eh.  Puwede siya sa MMFF talaga.”

“Oo, sa totoo lang, pero siyempre si boss Vic (del Rosario) naman ang nasusunod ‘yun lang naman ‘yun.  Hamak na manggagawa lang kami,” tumatawang sabi rin ni Mel.

Speaking of JC ay natanong siya kung inasam ba talaga niyang maging leading man dahil pagkatapos ng mga pelikulang “Jay” (2008), “The Janitor” (2008), “Esprit de Corps” (2014), “Diary ng Panget” (2014) at “Imbisibol” (2014) ay naging bida na siya sa “Sakaling Hindi Makarating” taong 2015.

Hanggang siya na ang maging leading man ni Bela Padilla sa “100 Tula Para Kay Stella” na nasundan pa ng pagsasama nila ng aktres sa “A Day After Valentines” at “On Vodka, Beer and Regret” hanggang nagkasunud-sunod na nga ang projects niya sa Viva Films.

“Wala po sa plano na… ang gusto ko lang po noong umuwi ako sa Pilipinas (galing Hongkong), e, mag-perform lang. Laging training ko kasi kay Sir Tony Mabesa (SLN) walang bida, lahat kayo support.

“Kaya mahirap maging bida kasi lahat susuportahan mo para ma-achieve nilang lahat. Lahat pantay-pantay kayo. Wala po sa plano na umabot sa ganito pero okay naman nakikita ko ‘yung ibang directors nakikita nila ako sa iba pang kaya ko pang gawin.

“Na-achieve ko pa naman ‘yung mga gusto kong mga roles lalo na ngayon. Actually, suwerte po, suwerte. Ganu’n po ako mag- audition sa mga director nakikipagkita sa Taumbayan (bar and restaurant). Nakikipagtambay, inuman and I think suwerte po ngayon na nangyayari ito. And I’m super grateful sana tuluy-tuloy pa rin po,” mahabang kuwento ng aktor.

Ang karakter ni JC sa “More Than Blue” ay isang taong nagmamahal pero takot siya dahil may taning na ang buhay niya.

“Hindi ko ito magagawa maybe two or three years ago, feeling ko hindi ko mabibigyan ng hustisya or ia-acting ko lang ito kapag ibinigay sa akin ito.

“Right now, I think it became a perfect material for me dahil naging new father ako. Somehow I understand how to feel deeply in love. I think bawa’t sulok ng mindset nu’ng character kong si K ay medyo naiintindihan ko pati ‘yung mga decisions na ginagawa niya para sa pelikulang ito. 

“Malaking bagay talaga na may family kasi nakatulong sa lalim ng interpretation ko sa character. Sobrang tapang kasi ng character at hindi ako ganito katapang (natawa),” paliwanag ni JC.

At ang unforgettable experience ni JC habang sinu-shoot ang “More Than Blue” ay, “Nasa trailer naman, ‘yung kasal na nagwo-walk na ako pabalik,” tawa ng tawang sabi ng aktor kaya nakitawa rin ang leading lady niyang si Yassi Pressman.

“’Yun ‘yung medyo na-question ko na ‘yung sarili ko na ‘naku parang hindi yata ako tatagal sa pelikula o sa industriya.

“Mahirap kasi it’s about a cry, eh.  Oo madaling umiyak, madaling magbuhos ng iyak pero ang pinakamahirap ay ‘yung magpipigil ka. Pinakamahirap ‘yung ilalagay mo lang diyan sa dibdib mo hindi mo ilalabas pero kailangan, maramdaman ng tao. So naalarma ‘yung buong pagkatao ko do’n sa eksena.”

Ang “More Than Blue” ay Pinoy version ng isang Korean film na kapareho ang titulo na ipinalabas sa South Korea noong 2009 na ni-remake na rin sa Taiwan at kasalukuyang palabas ngayon sa Netflix bilang series.


Kuwento nina K (JC) at Cream (Yassi) na kapwa ulila at nakatira sila sa iisang tahanan pero walang romatikong ugnayan sa kanilang dalawa.

Si K ay inabandona ng kanyang nanay nang mamatay ang tatay nito dahil sa kanser, habang si Cream naman ay namatayan ng buong pamilya dahil sa car accident.

Nang malaman ni K na siya ay may taning na dahil sa malalang stage ng cancer, inilihim niya ito kay Cream at tinulak pa niya itong makapag-asawa ng isang mabait at malakas na lalaki.

Kalaunan, nakilala ni Cream si John Louis (Diego Loyzaga), isang mayamang dentista na inamin niyang nagugustuhan na niya. Nasaktan ang puso ni K nang malaman ito, ngunit sa isang banda panatag din siya dahil hindi na maiiwanang nag-iisa si Cream.

Kasama rin si Ariella Arida sa “More Than Blue” na mapapanood na sa Vivamax sa Nob. 19 handog ng Viva Films na idinirek ni Nuel Naval.

https://bandera.inquirer.net/296651/jc-santos-sa-movie-nila-ni-yassi-ito-yung-pinakanatakot-ako-nang-sobra-grabe-yung-kaba

Read more...