Vice napaiyak nang muling mag-concert sa US: Na-stress talaga ‘ko! Bigla akong natahimik…

Ion Perez at Vice Ganda

HINDI napigilan ng Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda ang maiyak nang muling makapag-perform nang live sa harap ng mga kababayan nating Filipino sa Amerika.

Kuwento ng TV host-comedian, talagang naging emosyonal siya nang makita muli ang live audience sa tatlong sold-out live shows niya sa US nitong nakaraang buwan.

Sa isang episode ng Kapamilya noontime show na “It’s Showtime”  naikuwento niya ang ilang kaganapan sa matagumpay niyang concert sa ilang lugar sa Amerika.

“Nu’ng nag-perform na ako, nu’ng unang gabi, nasa dressing room pa lang ako, naririnig ko na ‘yung mga hiyawan.

“‘Yung pre-show pa lang ang ingay na nila. Na-stress ako talaga! Pagdating ko doon, as usual, hindi ko napasukan ‘yung first song agad. Na-stress ako, eh. Nawala ako. First steps adlib agad,” pag-alala ni Vice sa muli niyang pagko-concert abroad.

“Naiyak ako talaga, bigla kasi akong natahimik, siguro mga 10 seconds tumitingin lang ako sa paligid, hindi ako nagsasalita. Nagsisigawan lang sila. 

“Sabi ko wala na ho akong ibang maisip sabihin sa ngayon, gusto ko lang sabihin na I really missed you all. Nakaka-miss. Tapos parang ang galing mo ulit kasi may pumapalakpak, may tumatawa,” pahayag pa ng komedyante.

Samantala, naibahagi rin ng partner ni Ion Perez ang naging karanasan nila sa US sa loob nang ilang araw sa gitna ng pandemya. Aniya, halos normal na uli ang takbo ng buhay doon kung ikukumpara sa Pilipinas. 

“Ibang-iba ho talaga ‘yung buhay sa Amerika dito sa buhay sa Pilipinas. Normal na normal na. Buhay na buhay ang mga tao. Ang laya-laya. Ang saya-saya nila. 

“Walang takot sa mga mukha nila sa kalsada. They have learned to live with COVID. Natutunan nila kung paano sila mabuhay nang may ganun,” kuwento pa ni Vice.

Naniniwala naman ang TV host na kayang-kaya rin ng Pilipinas ang makabangon at muling makalaya mula sa bangungot na dulot ng COVID-19 pandemic.

“Sa mga Filipino kung na-achieve naman ng Amerika ‘yun, kaya rin naman natin.

“Ituloy lang din ang disiplina na nasimulan din natin at ‘yung pag-asang nararamdaman natin ay damahin lang natin at damahin. Kung nagawa nila imposibleng hindi natin magawa,” sey ni Vice.


* * *

Mapapakinggan na rin sa vinyl ang critically-acclaimed album ni Ebe Dancel na “Bawat Daan” ngayong taon, na siya ring kauna-unahang vinyl project ng Star Music label ng ABS-CBN mula sa music catalogue nito.

Masaya ang OPM icon para sa pagkakataon na mai-release sa vinyl ang kanyang award-winning album na unang nilabas noong 2015. 

Aniya, “I’m very happy, I have so many wonderful memories of the song and album. Thank you Jonathan Manalo, Star Music, and Backspacer Records for making this happen.”

Ang go-to vinyl record store sa Pilipinas na Backspacer Records ang magdi-distribute ng “Bawat Daan” vinyl. Kasama sa limited edition release ang 10 kanta na ni-remaster ni Shinji Tanaka sa Kodama Studios at merong gatefold cover at insert sa bagong artwork layout na ginawa ni Ryan de Jesus.

Maririnig sa record ang titular track na “Bawat Daan,” “Kasayaw,” “Hanggang Wala Nang Bukas,” “Dapit Hapon,” “Lakambini,” at “Halik Sa Hangin,” pati na ang mga bigating kolaborasyon ni Ebe kasama ang ilang OPM artists na “Prom” feat. Yeng Constantino, “’Wag Ka Nang Umiyak” feat. KZ Tandingan, “Ang Probinsyano” feat. Gloc-9, at “Makita Kang Muli” feat. Regine Velasquez-Alcasid.

Isang multi-awarded singer-songwriter si Ebe na kilala para sa mga awiting niyang tumatagos at minamahal ng iba’t ibang henerasyon magmula pa noong lead singer siya ng bandang Sugarfree hanggang sa maging solo artist na siya.

Nito lang 2021, kinilala siya sa kauna-unahang SUDI Awards ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na naglalayong parangalan ang mga pinaka-oustanding na musical achievement sa bansa sa nakalipas na dalawang dekada.
https://bandera.inquirer.net/297400/lolit-pinayuhan-si-vice-ganda-ukol-sa-bashers-hayaan-mong-pumutak-sila

Read more...