Sharon inalala ang mga paandar ni FPJ: Pag may umapi sa ‘yo, alam mong to the rescue siya

Fernando Poe, Jr., Sharon Cuneta at Coco Martin

INIAALAY ni Megastar Sharon Cuneta kay yumaong Da King Fernando Poe, Jr., ang pagiging bahagi ng “FPJ’s Ang Probinsyano”  na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Kamakailan, ibinandera na nga ng ABS-CBN sa madlang pipol na makakasama na ang award-winning actress sa nasabing hit action-drama series na anim na taon nang umeere sa Kapamilya network.

Personal pang winelkam ng mga bossing ng istasyon si Mega nitong nagdaang Martes sa pangunguna nina ABS-CBN COO of broadcast Cory Vidanes, TV production head Lauren Dyogi, Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal at ang lead star, director at creative director ng “Ang Probinsyano” na si Coco Martin.

Sa ginanap na virtual mediacon para sa pagpasok ni Sharon sa serye, sinabi ng Megastar na hindi siya masyadong nahirapang magdesisyon tungkol sa offer. Aniya, umoo agad siya nang alukin na maging bahagi ng longest-running action-drama series ng ABS-CBN.

“Sino ba yung ayaw maging parte ng Ang Probinsyano? Pero ang concern ko lang, paano kaya gumawa ng teleserye every day? I was used to doing movies in the past and this is a very huge show. It’s been number one for six years,” simulang pahayag ni Shawie.

Unang serye ni Mega sa ABS-CBN ang “FPJ’s Ang Probinsyano” kaya naman hindi lang siya ang excited para sa proyektong ito, kundi pati na rin ang kanyang pamilya.

“Ang buong household namin, hindi lang yung pamilya ko, pati ang mga kasambahay. I am very thrilled to be part of this,” ani Sharon.

Kasunod nito, nabanggit nga ng aktres at TV host na isa sa mga dahilan kung bakit niya tinanggap ang project ay dahil sa Action King na si Fernando Poe, Jr. na tinawag niyang, “best, best friend in the business.”

“This is our tribute to him so I am honored to be part of the show,” aniya pa.

Napa-throwback pa ang Megastar sa mga bonding moments nila ni FPJ noon. Ang tawagan daw nila ng yumaong aktor at direktor ay “klatput.”

“When we were shooting Kahit Konting Pagtingin Part 1, nasa field ako, wearing a wedding gown, we were taping the entire night, and sumilip siya sa camera. 

“He said, ‘Dali, nandiyan na yung klatput.’ I asked, ‘What’s klatput?’ He answered, ‘It’s the sun, it can stand for and mean anything.’ Tapos nag-stick na (sa amin yun).

“Yan yung ninong ni KC (Concepcion, panganay niya) na nagturo na mag-tong-its and magpusoy. Kasama ko naman si KC sa set ng Kahit Konting Pagtingin Part 2,” kuwento pa ni Mega.

May insidente pa nga raw noong nasa taping siya ng isang music video para sa dati niyang musical show na “The Sharon Cuneta Show” ay bigla siyang tinawagan ni FPJ.

“‘Klatput, punta ka rito. Sige na, kasi nagyayabang ako.’ Alam mo, where he made me go? Malapit sa Sto. Domingo church. There was a sari-sari store, ‘yung lola na nagtitinda du’n, suki niya. Then he said, ‘Sabi sa inyo, kilala ko si Sharon. Ayan napapunta ko rito…’ Uminom lang ako ng softdrinks and then went back to taping,” ang tawa nang tawang pag-alala ni Sharon.

Pagpapatuloy niya, “He was a good person, humble, kind. Nakakatawa. Pag umiinom siya ng beer, antok na antok na kami, lahat nakapaligid, kala mo nakakatulog, biglang pagtayo mo, he would say, ‘Saan ka pupunta?’” 

Chika pa niya patungkol sa Action King, “I also learned how to deal with people because of him. Iba ‘yung persona niya. He is the King of the Philippine Cinema. Iba pag nakasama mo siya bilang tao. Very humble.

“The biggest stars that I’ve worked with are the most humble. ‘Yung mga may ere, hindi ko na nakikita ngayon. Ha-hahaha!” sey pa ni Mega. Dagdag pa niya, katulad din daw ng King of Comedy na si Dolphy si FPJ na super bait at sobrang humble.

“He’s a father, friend, brother and protector. Ang sarap sumbungan kasi alam mong FPJ siya, eh. Pag may umapi sa ‘yo, alam mong to the rescue siya. He is like a knight in shining armor to all of us. He is like the head of the family in showbiz,” papuri pa niya kay FPJ.

Samantala, natanong din si Mega sa presscon kung ano ang dapat abangan ng madlang pipol sa pagpasok niya sa “Ang Probinsyano”, magiging kakampi ba siya o kaaway ni Cardo Dalisay?

“New image? Sorry, I’m bringing you back (the old) Sharon. Ha-hahaha! ‘Yung nakasanayan n’yo pero older and wiser. Tapos napakakumplikado ng backstory di ba? Meron pang flashback ito. Napakalalim po ng istorya ng panggagalingan ng character ko. 

“I’m excited to do anything they asked me to do, ‘wag lang mag-bold. Hahaha! Kasi parang hindi prepared ang public sa akin,” tugon ng aktres.

Paano naman niya ikukumpara si Coco kay FPJ? “FPJ is a totally different star and Coco is totally different although binuhay niya si Cardo dito. Coco gave Cardo his own touch.

“May dating na Coco touch, iba naman siyempre kay FPJ. Very proud ako sa ginawa ni Coco. Very grateful to him for honoring FPJ,” sabi pa ng Megastar.

Napapanood pa rin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo at iba pang digital platforms ng ABS-CBN.

Read more...