Jake Ejercito, Ellie Ejercito at Andi Eigenmann
AMINADO ang Kapamilya star na si Jake Ejercito na hindi naging madali para sa kanila ni Andi Eigenmann ang co-parenting setup na pinagkasunduan nila para sa kanilang anak na si Ellie.
Kuwento ng celebrity dad, ilang taon din ang lumipas bago sila nakapag-adjust ng aktres at nagkasundo kung paano nila palalakihin at aalagaan ang anak.
Paliwanag ng anak ni dating Pangulong Joseph Estrada, kinailangan muna nilang hanapin at matutunan ni Andi ang tamang balanse at istilo ng co-parenting setup para maging epektibo ito kay Ellie.
“Hindi siya madali. And marami na rin kaming pinagdaanan bago kami dumating sa point na ‘to na we found the right balance.
“Marami kaming pinagdaanan na ups-and-downs na parang roller coaster,” ang pagbabahagi ni Jake sa chikahan nila ng Kapamilya actress na si Francine Diaz na mapapanood sa bagong vlog nito sa YouTube.
Pagpapatuloy ng aktor, “Siyempre, when we became parents, 21 lang kami pareho. Then siyempre ‘yung pride, ‘yung maturity.
“So it took a while. Years before kami dumating sa point na ‘to na inuuna na namin ‘yung welfare ni Ellie,” aniya pa.
Samantala, “active kid” kung ilarawan ni Jake si Ellie kaya kapag may pagkakataon, tina-try niyang hikayatin ang anak na magbasa naman ng mga libro.
“Si Ellie kasi she’s very active, eh especially ‘pag nasa Siargao siya. Lagi ‘yang nasa beach or nagba-bike.
“So, ang gusto kong matutunan niya is ‘yung magbasa ng books. So whenever she’s with me, nahihirapan ako, pinipilit ko siyang magbasa. So, we started with Harry Potter,” kuwento ni Jake.
Dagdag pa niya, talagang sinusulit niya ang bawat oras na magkasama sila ni Ellie (na turning 10 years old na next year), dahil nga mas mahaba ang panahon na magkasama sila ni Andi sa Siargao.
“Kasi ‘yung setup nga namin, I’m not always with her. Most of the time kasama niya ‘yung mommy niya sa Siargao.
“So, whenever she’s with me, laging memorable kasi sinusulit ko lagi ‘yung pagkakataon. Kaya nga kahit ayaw ko man, I have no choice but i-spoil siya kasi minsan lang kami magkasama,” lahad pa ng binatang ama.
Sa isang bahagi ng vlog ni Francine, nabanggit ni Jake na talagang nag-iba na ang mga priorities niya sa buhay nang dumating sa buhay niya si Ellie kasabay ng maraming pagsasakripisyo.
“As I said 21 lang ako (nang maging tatay). So ‘yung time na ‘yun parang ang priority ko lumabas, magbarkada, tambay, hangout.
“So when Ellie came, talagang nagbago ang mundo ko. Hindi na lang sarili ko ‘yung iniisip ko. I have someone to look after, alagaan.
“So, I guess ‘yung different joy ‘yung nararamdaman ng isang magulang because habang lumalaki ‘yung anak, nakikita mo ‘yung progress.
“And alam mong part ka nu’n. And it’s because of you kaya the person your child is becoming is also somehow because of you. Very fulfilling,” chika pa ni Jake.
Nang matanong naman kung ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag may nanligaw na sa kanyang anak, “Hindi pa ako ready. Feeling ko mamoroblema na ako diyan in a couple of years.”
https://bandera.inquirer.net/282396/jake-masaya-sa-co-parenting-setup-nila-ni-andi-nakikita-ko-kay-ellie-na-hindi-na-siya-nahihirapan