UMABOT na sa 2,172 pamilya o 10,736 katao ang nagsilikas sa ikalawang araw ng pakikipag-“standoff” at bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan sa mga kasapi ng Moro National Liberation Front kahapon.
Ang mga nagsilikas ay pawang mga taga-Brgys. Sta. Catalina, Sta. Barbara, Rio Hondo, Talon-talon, at Arena Blanco, sabi ni Adriano Fuego, direktor ng Office of Civil Defense-9, nang kapanayamin sa telepono.
Naitala ang bilang ng evacuees alas-3 ng hapon kahapon, ani Fuego.
5 hostage pinawalan, 1 nakatakas
Sa gitna ng standoff, pinawalan ng MNLF ang lima nitong bihag, ayon kay Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.
Pinawalan ng mga rebelde sa Brgy. Talon-talon alas-7 ng umaga sina Mercedita Hasinun, 45; isang Nurhisma, 18; Judith, 15; Aira, 7; at isang Binsal, 9, pawang mga taga-Brgy. Mampang, aniya.
Alas-4:30 ng hapon, nakatakas naman si retired Senior Insp. Eddie Macaso mula sa mga kasapi ng MNLF na bumihag sa kanya, ayon kay Huesca.
Sa kabila nito, nasa mahigit 200 katao pa rin ang bihag ng MNLF sa Brgy. Sta. Barbara at Sitio Buguk, Brgy. Sta. Catalina, ayon sa regional police spokesman.
Bakbakan tuloy
Muling nagbangga ang mga tropa ng pamahalaan at MNLF kahapon nang subukan umano ng mga rebeldeng magtungo sa Brgy. Sta. Catalina tangay ang ilang sibilyang “human shield,” ayon kay Mayor Maria Isabel Climaco-Salazar.
“Thirty armed MNLF tagging along civilians as human shields from Mampang were monitored proceeding to Sta. Catalina to support their comrades.
However, they were blocked by police and TFZ (Task Force Zamboanga) personnel manning checkpoints in the area,” sabi ni Salazar sa isang kalatas.
Sugatan aniya ang isang pulis, na nakilala bilang si PO2 Baguinda, nang magkapalitan ng putok.Dahil dito, 15 katao na ang kumpirmadong sugatan sa bakbakan habang nananatili sa apat ang nasawi.
Di pa kasama sa mga naturang bilang ang pitong kasapi ng MNLF na umanon ay napatay sa sagupaan noong Lunes. Sumiklab ang panibagong sagupaan kahapon sa gitna ng curfew na ipinatupad ng pamahalaang panlungsod.
Pier pinasabugan
Alas-7 ng umaga, sa kasagsagan pa rin ng standoff, niyanig ng tatlong pagsabog na mula umano sa mortar na pinaputok ng MNLF ang Zamboanga City Port.
“Ang natatandaan ko tatlo, kasi maraming putok eh, hindi ko na ma-identify kung alin na ba ‘yung mortar dun. Sumabog talaga,” sabi sa Bandera ni Seaman 1st Class Lauro Gonzales, a radio operator sa Coast Guard Station na nasa pantalan.
Wala naman aniyang napinsala o nasugatan dahil puro sa tubig tumama ang mga pampasabog.Daan-daang kawal kinalat Dahil sa pananatili ng mga armadong kasapi ng MNLF, nagpadala na ang militar ng karagdagang tauhan para ipanumbalik ang kapayapaan sa lungsod.
Halos 200 kawal ng Marines, dalawang team ng Navy Special Operations Group, dalawang sniper team, at isang explosive and ordnance disposal (EOD) team ang pinadala sa lungsod kahapon para mapigil ang mga rebelde, ayon kay Navy spokesman Lt. Cmdr. Gregory Fabic.
Naglilibot din aniya ngayon sa bahagi ng dagat na sakop ng Zamboanga City ang dalawang patrol gunboat, dalawang multi-purpose attack craft, at isang diesel fastcraft.
“Ang purpose ng mga ito ay mag-conduct ng naval blockade at negation patrol operation,” he said. Inatasan aniya ang Navy na pigilan ang MNLF na makakuha ng reinforcement o di kaya’y makatakas.
Dinagdagan din ng dalawang platoon ang isang batalyon ng Army sa lungsod, ayon naman kay Capt. Jefferson Somera, tagapagsalita ng Army 1st Infantry Division.