Mygz Molino napakasakit ng iyak habang inaalala si Mahal: Sobrang hirap niyang kalimutan…

Mygz Molino at Mahal

NAPAKASAKIT ng iyak ng indie actor at vlogger na si Mygz Molino habang nagkukuwento tungkol sa mga huling sandaling magkasama sila ng yumaong komedyanang si Mahal.

Napanood namin kagabi ang emosyonal na panayam ng “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) kay Mygz kasama ang mga hosts ng programa na sina Boobay at Super Tekla with the Mema Squad.

Simula pa lamang ng interview ay iyak na nang iyak ang binata dahil ipinalabas muna ang huling guesting nila sa “TBATS.”

Aminado si Mygz na hindi pa rin siya nakakapag-move on sa pagpanaw ng kanyang kaibigan at YouTube partner at talagang miss na miss na raw niya ang komedyana.

Sabi ng binata, palaging nagpaparamdam sa kanya si Mahal sa pamamagitan ng panaginip at paglipad ng paru-paro sa kanilang bahay.

Sabi ng vlogger at aktor, “Hindi mawawala sa akin yung mga tawa niya, ngiti niya. Yung mga ibinibigay niyang kasiyahan, sa pamilya ko, sa mga taong sumusuporta sa kanya.

“Kasi, gusto kong iparamdam sa kanya yung mga hindi niya nagawa nu’ng mga dati-dati pa,” ang umiiyak at putol-putol na pahayag ni Mygz.

“Ang ano sa akin (paramdam), yung paru-paro, kasi ngayon lang nangyari sa akin yun. Sa panaginip. Sa bahay kasi, nakikita mo siya kahit saan. Sa kuwarto, sa mesa. 

“Kaya minsan, hindi na ako natambay sa bahay, du’n na ako sa likod. Naalala ko palagi siya. Sobrang hirap niyang kalimutan. Hindi pa ako naka-move on sa nangyari sa kanya,” pag-amin pa niya sa nararamdaman.

Halatang pinipigil naman nina Boobay at Tekla ang maiyak para pakalmahin si Mygz dahil nga parang bibigay na ito habang kinakausap nila.

Nagkuwento naman ang isa sa mga Mema Squad ng “TBATS” na si Buboy Villar tungkol sa nakita niyang pag-aalaga ni Mygz kay Mahal noong ginagawa pa lamang nila ang Kapuso series na “Owe My Love”.

“Talagang sobrang sipag ni Kuya Mygz, kasi hindi naman talaga nakakahakbang si Mahal ng hagdan. 

“So, binubuhat pa ni Kuya Mygz yun. Binubuhat niya, hanggang sa nag-pack up, lahat ng gamit. Nakakabigla ang mga pangyayari,” kuwento ni Buboy.


Samantala, todo rin ang pasasalamat si Mygz sa lahat ng nagmamahal at sumuporta sa YouTube channel nila ni Mahal na naging daan para mas lumalim pa ang kanilang espesyal na relasyon.

Siniguro rin ng binata sa lahat ng fans nila ng yumaong komedyana na ipagpapatuloy pa rin niya ang paggawa ng contents para magawa pa rin niya ang pagtulong sa mga nangangailangan tulad ng ginawa nila sa komedyante at dating partner ni Mahal na si Mura.

Mygz Molino dumalaw sa puntod ni Mahal: Alam kong masaya ka na ngayon dahil kasama mo si Papa…

Mygz tinupad ang munting hiling ni Mura

Read more...