May panalo si VP Leni sa 2022

leni robredo pink movement

Si VP Leni Robredo ang presidential candidate “to beat.” Ito ay base na rin sa patuloy na pag-suporta dito ng mga tao sa iba’t ibang lugar ng bansa mula nang maghain ito ng certificate of candidacy noong October 8.

Nakita ang lakas ni VP Leni noong Sabado nang magsagawa ng malawakan o isang nationwide caravan ang mga tao. Nagmistulang kulay pink ang ilang pangunahing lansangan ng ilang parte ng Luzon, Visayas at Mindanao. Sinasabing halos 10,000 na sasakyan ang lumahok dito.

Pati sa sariling balwarte ng mga Duterte sa Davao City ay may nagsagawa rin ng pink caravan. Matapang nilang inikot ang kanilang siyudad at ipinahayag sa pamamagitan ng mga tarpaulin na  “Davao Para Kay Leni” at “Honesty, Integrity, Rule of Law, Leni Robredo Para sa 2022”.

Noong Sabado rin, nagkulay pink ulit ang social media. Makikita dito ang mga larawan at video ng naganap na caravan, mga statement of support ng mga lumahok at ng mga netizen na nag-post, na nakakaiyak at nakakatindig-balahibo. Sabi nga ng iba, sobrang nakaka-proud maging Pilipino dahil ramdam ang kanilang sinseridad at kagustuhang magkaroon ng matino at maayos na lider at pamahalaan sa 2022.

Hindi inaasahan ang ganitong mga pangyayari. Maski mismo ang VP ay nagulat sa mga nagaganap. Lalo na siguro ang kanyang mga katunggali sa pagkapangulo dahil nga sa mababa lagi ang nakukuha nito sa mga presidential survey.

Ang naganap at patuloy na nagaganap na Pink Revolution sa social media at sunod-sunod na pink caravan ay hindi nanggaling kay VP Leni o sa sinumang political campaign staff nito. Hindi rin ito nanggaling o sinimulan ng mga politikong sumusuporta sa kanya. Lalo rin hindi ito pakulo ng anumang political parties.

Nangyari ang nangyari. Walang nagplano. Kusang  loob at biglaan (spontaneous), dala ng kagustuhang na pagbabago sa liderato ng pamahalaan sa 2022 at dikta ng pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan. Naisulat nga natin noong nakaraan na “walang politikong nag-udyok at namuno, walang humakot ng tao upang dumami at  walang nangakong magbabayad sa mga sumama at sumali”.

Walang ibang presidential candidates para sa 2022 ang nakatanggap ng ganitong klaseng uri ng suporta. Isang collective voluntary action sa parte ng mga tao upang ipahayag, sa pamamagitan ng salita at gawa, ang kanilang suporta sa pinaniniwalaan nilang dapat maging susunod na  pangulo. Ito siguro ang dahilan kaya nagkaroon ng Pink Revolution at pink caravan at hanggang ngayon, punong-puno pa rin ang social media ng magagandang papuri kay VP Leni, bagay na hindi natin nakita o wala sa ibang mga kandidato sa pagkapangulo.

Napag-uusapan pa rin naman ngayon ang ilang kandidato, tulad nila former senator Bongbong Marcos at Mayor Isko Moreno pero tila hindi nakakabuti sa kanilang kandidatura ito.

Malakas ang ingay sa social media ang usapin laban sa anak ng dating diktador kung talagang nakapagtapos nga ito ng isang degree sa Oxford University. Ang isyung ito ay magiging anino nito hanggang sa oras ng election kung mapapatunayan ngang nagsisinungaling ito. Hindi karapat-dapat maging pangulo ang sino man na kayang gumawa at mag-sinungaling ng ganitong klase.

Si Mayor Isko naman ay pinipilit makabalik at mapag-usapan matapos na madismaya ang marami dahil sa position nito tungkol kay Duterte, Marcos at Aquino, kasama na rin ang pagbabatikos kay VP Leni. Ang biglaang pagbitiw ng kanyang chief of staff at pag-withdraw ni dating VP Noli de Castro sa senatorial race bilang kandidato ng Aksyon Demokratiko ay nagpalala pa ng kanyang sitwasyon.

Ang pangakong ibababa ng 50% ang tax rate ng fuel at electricity kung ito ay mahahalal ay hindi rin nakatulong, sa halip, nagpakita lang ito ng kahinaan ng kanyang kandidatura. Ang ganitong klaseng pangako ay katulad at nagpapaalala lamang sa atin ng binitawang salita at pangako (at kasinungalingan) ni Pangulong Duterte tungkol sa pag-jet ski sa West Philippine Sea na sinusuka ng taong-bayan.

Sa mga nangyayari ngayon, may panalo si VP Leni. Siya ang presidential candidate “to beat” sa 2022.

Read more...