Katapat ni Bongbong sa 2022: VP Leni o Mayor Isko

Noong Huwebes (Oct 7), isang mala-rebolusyon ang nangyari sa social media (Facebook, Instagram, Twitter, TikTok at iba pa) nang maghain ng Certificate of Candidacy (CoC) bilang independent candidate sa pagkapangulo si VP Leni Robredo. Nagkulay pink at walang patid na mensahe ng suporta sa kandidatura nito ang bumaha sa iba’t ibang social media platforms. Tinawag ng ilan ang pangyayari bilang “Pink Revolution”.

Kung ang kulay at dami ng suporta sa social media sa mga presidential candidates na naghain ng kanilang mga CoC noong October 1-8 ang magiging batayan kung sino ang susunod na pangulo, walang duda at taas kamay na si VP Leni ang mamumuno sa bansa pagdating ng June 30, 2022.

Walang presidential candidates o sinumang kakandidato sa 2022 ang nabigyan ng ganitong pambihirang (phenomenal) klaseng pansin at suporta nang ang mga ito ay naghain ng kanilang mga CoC. Hindi si Bongbong Marcos, hindi si Isko Moreno, hindi si Ping Lacson, hindi ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao, hindi rin ang mga sikat na artistang nagpupumilit sa larangan ng politika, at lalong hinding-hindi rin ang napilitang pambato ni Pangulong Duterte (PDP-Laban) na si Bato dela Rosa.

Hindi maitatanggi na marami ang nabuhayan ng loob at nabigyan ng pag-asa sa paghain ng kandidatura ni VP Leni. Nagkaroon ng sense of patriotism o national pride na nagdulot nang biglaan at kusang (spontaneous) pagkakaisa ang mga tao, partikular ang mga netizen, na ipahayag sa iba’t ibang paraan ang kanilang pagsang-ayon at pagsuporta dito.

Marami ang nagulat sa nangyari noong Huwebes, kasama dito ang ilan sa mga katunggali niya sa pagkapangulo na para bang tinamaan ng kidlat at na-insecure sa nakitang pagbuhos ng suporta (outpouring of support) kay VP sa social media at agad nagbitiw ng mga maanghang na salita laban dito

Dahil sa ipinakitang lakas ng VP sa social media, kung saan mangyayari ang tunay na labanan ng mga kandidato at political campaign, sapat na ba ito upang ituring na si VP Leni ang seryosong makakalaban ni Bongbong Marcos sa pagkapangulo sa 2022. Ang mga kulay na pink at ingay sa social media ay masasalin ba ( translate into) sa boto upang dalhin siya sa pagkapangulo?

Ngunit kung totoo nga ang mga survey, masasabing matibay naman ang kandidatura ni Mayor Isko Moreno at walang kapana-panalo si VP Leni. Kung ang survey ang pagbabatayan, siguradong si Mayor Isko ang makakalaban ni Marcos at hindi ang VP. Mataas ang nakukuha ni Mayor Isko sa halos lahat na survey at mababa naman kay VP Leni. Nanguna rin ito sa “four-way vote” sa huling sinagawa ng Pulse Asia survey sa pagkapangulo laban kanila Mayor Sara, Senators Ping Lacson at Manny Pacquiao. Siya na nga ba ang susunod na pangulo ng ating bansa?

Pero ang mga nasabing survey ay ginawa bago nangyari ang tatlong importanteng kaganapan na maaaring makapagbago dito. Ang una ay ang hindi pagtakbo, sa ngayon, ni Mayor Sara sa pagkapangulo. Ang pangalawa ay ang tuluyang pagdeklara at pagtakbo ni VP Leni sa pagkapangulo at ang pangatlo, ay ang “Pink Revolution” noong Huwebes.

Sina Marcos, Sen. Pacquiao at Mayor Isko ang tanging makikinabang sa hindi pagtakbo ni Mayor Sara. Kay Marcos mapupunta ang malaking parte ng boto ng mga die-hard Marcos-Duterte group. Kay Pacquiao ang boto ng Mindanao block. Kay Mayor Isko naman mapupunta ang boto ng naniwala sa kanyang salita na bibigyan ng Cabinet post si Pangulong Duterte kung sakaling maging pangulo ito. Kasama na rin dito ang mga supporter ng pangulo na nakikita sa katauhan ng mayor ng Maynila ang kanilang sinasambang Duterte.

Nawala naman na ang duda kung tatakbo nga si VP Leni sa pagkapangulo na sinasabi ng iba na naging dahilan ng hindi pagtaas nito sa survey. Ngayon, ang respondents o yung mga tatanungin sa presidential surveys ay tiyak ng alam na tatakbo nga sa pagkapangulo ang VP, na noon ay walang katiyakan. Marami rin ang naging Isko supporters sa pag-aakala na hindi tatakbo sa pagkapangulo si VP Leni at ngayon ay nagbabalikan na sa kampo ng VP.

Kontra naman ang resulta ng mga presidential surveys sa ipinakita ng taong-bayan at netizens noong Huwebes sa “Pink Revolution,” Ipinakita ng mga ito ang pwersa ni VP Leni.

Nailagay natin na si Bongbong Marcos ang maaaring makalaban ni VP Leni o Mayor Isko dahil ito ang kandidatong may malaking pagkakataong manalo base sa mga survey, matapos hindi maghain ng kandidatura si Mayor Sara. Dahil sa wala naman talagang maipapakitang sariling national accomplishment na maipagmamalaki ang anak ng dating diktador, ito ay aasa na lang sa kanyang dalang pangalan at magagandang nagawa ng kanyang ama, kung mayroon man, ngunit tiyak na itatanggi at lalayo ito sa katiwaliang nagawa ng kanyang ama at pamilya.

Malayo pa ang election at mahirap talagang sabihin ngayon kung sino kina VP Leni at Mayor Isko ang makalaban ni Marcos sa 2022. Maaaring magkaroon pa ng mga substitution ng mga presidential candidates na makakaapekto sa kandidatura ng ilang kandidato.

Sa ngayon, magbasa at makinig sa mga salita at pangakong programa ng lahat ng presidential candidates. Suriin mabuti ang lahat ng kandidato, lalo na ang prinsipyo at pagkatao nila. Naloko na tayo noong 2016, huwag ng magpaloko muli.

Read more...