Gigi de Lana naiyak sa presscon, umaming heartbroken: Recently masyado akong emosyonal…

Gigi de Lana

EMOSYONAL si Gigi de Lana sa launching ng unang single niyang “Sakalam” kasama ang Gigi Vibes Band nitong Lunes ng tanghali.

Naibahagi kasi ng singer ang napakaraming hirap na pinagdaanan niya at ng kanyang grupo at kung paano nasulat ang una nilang single.

“I’m very happy kasi hindi kami bumitaw sa goal namin at gusto naming marating even though we have different visions,m different goals pero nu’ng nagsama-sama ulit kami nabuo namin itong Sakalam na napakagandang song na ito thanks to Rome and Erwin.

“We had out first single, we are so happy, I’m very happy ‘yung puso ko umaapaw ngayon kasi ang dami naming pinaghirapan at pinagdaanan. We are not perfect but you still love us for who we are and we are very, very thankful for that,” naiiyak na pahayag ng dalaga.

Pinanood namin nang buo ang music video ng “Sakalam” na in-upload sa YouTube channel ng ABS-CBN Star Music at idinirek ni Chad Vidanes. Habang sinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa mahigit 30,000 views at halos lahat ng nabasa naming comments ay nagsasabing naiyak sila sa ganda ng kanta dahil may kurot sa puso.

Oo naman, ramdam din namin ang sakit ng kanta na talagang tagos sa puso ang lyrics at maganda rin ang melody kaya madaling tandaan na siguradong maraming makaka-relate. Isinulat ito ng kabanda ni Gigi na si Romeo Marquez at boyfriend nitong si Erwin Lacsa ng Tritone Studios.

Sakto dahil bago humarap sa virtual mediacon si Gigi ay heartbroken siya dahil may konti silang tampuhan ng kanyang boyfriend.

“Heartbreak na nangyari sa akin recently was kanina (lang). Pero hindi nag-ano ah, hindi nagganu’n. Ha-hahaha!” muwestrang naghiwalay na sabi ni Gigi.

Dugtong niya, “Ganu’n (muwestrang sila pa rin) pa rin. Ha-hahaha! Actually, ako na ‘yung ano dito (mali).

“Kasi recently masyado akong emosyonal, alam mo ‘yung may tendency kasi tayong mga girls na mabilis uminit ang ulo minsan hindi natin mapakalma ‘yung sarili natin.

“Tapos pag lalambingin tayo lumalayo ka. Ha-hahaha! Di ba gusto mo lalambingin ka niya (boyfriend) tapos lalayo ka, masakit pala ‘yun sa kanila.

“So, sinabi niya (boyfriend) sa akin kanina na nagbago siya kapag inulit-ulit mo pala ‘yung isang bagay ma-apply pala niya ‘yun sa sarili niya na, ‘okay paulit-ulit.’ 

“So, umiyak ako kanina, it’s really hard na ako ang nakapagpabago sa kanya na ayoko namang magbago, so alam mo ‘yun? Naiyak tuloy ako (sabay punas ng mga mata). Masakit kasi ikaw ‘yung reason bakit siya nagbago (tuluy-tuloy ng tumulo ang luha), ‘yun lang,” sumbong ni Gigi.

Sinalo naman siya ng host ng mediacon na si DJ Jhaiho, “Oy, masakit talaga ‘yan. ‘Yung mga pabirong gustong maggalit-galitan and everything di ba, magkakaiba tayo ng personality na akala mo biru-biruan lang may effect pala talaga ‘yun sa puso niya.”

Habang nagkukuwento si Gigi ay may mga ka-chat kami na hindi pa showbiz ang dalaga dahil naikuwento niya ‘yung tungkol sa personal niyang buhay. 

Sa tingin namin ay ito talaga ang gusto ng supporters niya, ang pagiging totoo niya dahil kapag nagso-show siya nang live sa social media accounts ng kanilang grupo ay nakikita ang tunay niyang ugali.

Pati ang pagdaan niya sa enhancement ay hindi niya itinanggi at inamin niya ang dahilan bagay na bonus points ulit sa kanya.

Going back to “Sakalam” (Malakas) na ang dapat palang titulo nito ay “Dahilan” pero dahil nauso ang mga salitang binabaliktad kaya nag-isip sila ng babagay sa chorus ng kanta.

Ayon kay Romeo na siyang sumulat ng liriko, “Kasi very catchy ‘yung Sakalam kasi most of the youth ngayon, ‘yun ‘yung ginagamit nilang word ngayon.  So, ‘yun lang naisip namin.”

Dagdag naman ni Gigi, “Ang dami rin kasing gumagamit nu’ng word, so, sa mga hindi po nakakaalam, kabaligtaran ng malakas, strong ibig sabihin kitasa, sobrang sakit, malupit ‘yung sakit kaya hinay ka lang.”

Samantala, sa pagiging kauna-unahang original song ng pinakabagong pop rock diva at tinaguriang breakthrough star ng 2021, ang “Sakalam” din ang unang single sa kanyang debut full-length album na iri-release sa 2022. Sa ngayon, nasa top spot ng Fresh Finds playlist ng Spotify Philippines ang kanta.

Ini-record ng Star Magic artist at RISE Artists Studio talent ang “Sakalam” kasama ang mga miyembro ng The Gigi Vibes band na sina Jon Cruz, Jake Manalo, LA Arquero, at Romeo Marquez. Si Jon naman ang nag-areglo nga kanta at si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang producer.

Magiging bahagi sina Gigi sa Filipino music festival na 1MX Dubai at ang pag-headline niya sa sarili niyang YouTube Music Night digital concert na parehong gaganapin sa Disyembre.

Mapapanood na rin ang music video ng kanta sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. 

Read more...