Jake na-trauma matapos barilin ng pulis ang kanyang sasakyan: Takot na takot siya sa nangyari!

Jake Cuenca

SINADYA naming tawagan ang kampo ni Jake Cuenca dahil sa viral tweet ni Paulo Avelino na nagtatanggol sa kaibigang aktor at sinabing hindi ito lasing nu’ng habulin ng mga pulis ang minamanehong sasakyan.

Base kasi sa kuwento ng aming source ay nanggaling si Jake kina Paulo at nang pauwi na ay may nadaanang maraming tao at pilit ngang pinahihinto na ilang mga nakasibilyan.

Nataranta raw ang aktor kaya pinatakbo nang mabilis ang kanyang SUV hanggang sa may nadaanang unipormadong pulis at saka lang huminto at doon lang niya nalaman na may anti-illegal drug operation pala sa nasabing lugar.

Hanggang sa dinala na siya sa Mandaluyong Police Station at doon din niya nalamang may tinamaang delivery rider nang paputukan ng mga pulis ang kanyang sasakyan.

Buong paliwanag ng kampo ni Jake, “Oo nga, nalito na kasi, si Jake kasi lutang nu’ng kausap, takot na takot kasi binabaril siya, pasigaw na siyang nagkukuwento habang nagda-drive hindi niya alam bakit siya binabaril. 

“Hindi siya nakainom kaya nga walang mailabas na medical report kung nakainom or something kasi wala talaga,” sabi sa amin.

Ang siste pala ay dadalawin lang ni Jake ang kaibigang si Paulo dahil nga nagkasakit ito at sandali nga lang siya dahil naka-quarantine pala siya bilang paghahanda sa nalalapit niyang lock-in taping para sa teleseryeng “Viral.”

“Under quarantine nga si Jake so hindi siya puwedeng uminom o anuman, nataon lang na gusto niyang damayan si Paulo kasi nga kagagaling lang sa sakit. 

“Hayan ang nangyari kaya alam mo ‘yung takot niya bakit siya umabot sa ganu’ng sitwasyon? May work siya, need niyang mag-quarantine tapos ganyan nga,” paliwanag ng kampo ng binata.

At dahil na-expose si Jake kaya aabutin siya ng 10 days quarantine bago siya mag-lock in taping.

“Kaya nga mauurong ang pagpasok niya sa lock-in taping dahil nga sa nangyari, pero idadaan naman siya sa PCR test,” sambit ng aming kausap.

Sobrang stress daw ngayon ang aktor bukod pa sa trauma sa nangyari nu’ng Sabado ng gabi dahil nga pinagbabaril siya. Nakadagdag pa ang mga nababasa niyang hindi magaganda sa social media na bina-bash siya.

“Hangga’t maaari ayaw niyang makipag-usap kasi ang daming nagtatanong, may trauma. Tapos dumagdag pa ‘yung mga nababasa niya sa social media, sobrang bina-bash siya, sabi ko nga ‘wag na muna magbasa kasi mai-stress lang talaga siya,” sabi pa ng kampo ng aktor

Ang dami palang trabahong naghihintay kay Jake ngayon kaya isa rin ito sa wino-worry niya dahil bukod sa teleseryeng “Viral” ay may dalawang pelikula pang gagawin mula sa OctoArts at isang international film na sa Nobyembre na ang simula ng shooting.

“Kaya nga di ba, isipin mo, ang daming work tapos nagkaganyan pa. Kaya ayaw ako kausapin muna ni Jake now,” pahayag pa ng kampo ng aktor.

Read more...