INATAKE ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front ang ilang barangay sa Zamboanga City kahapon ng madaling araw.
Dahil dito, umabot sa apat katao ang nasawi (unang naiulat na anim) at 14 iba pa ang nasu-gatan sa bakbakan sa pa-gitan ng mga pulis at sundalo at mga MNLF.
Sinasabing nasa mahigit 200 ang nananatiling bihag ng MNLF habang isinusulat ang balitang ito kahapon ng hapon.
Sa naunang kalatas na pinalabas ni Zamboanga City Mayor Isabelle Climaco-Salazar may 20 katao ang hawak ng mga rebelde sa barangay sa Sta. Catalina, habang mahigit pa sa 200 ang bihag sa barangay Kasanyangan.
“We are in close coordination with our police and military authorities and everything is being done to solve the crisis the soonest possible time with minimal damage to lives and properties,” anya pa.
Bukod sa Sta. Catalina at Kasangyangan, umatake rin ang mga MNLF sa Sta. Barbara, Talon-Talon, at Mampang.
Klase, trabaho suspended
Dahil sa matinding kaguluhan, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang pasok sa lahat ng antas ng eskwela sa pribado at pampublikong paaralan. Sinuspinde rin ang mga pasok sa trabaho.
Naglagay din ng curfew sa buong lungsod mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw. Kahapon, kinansela rin ang lahat ng biyaheng panghimpapawid at pandagat.
Isinara rin ang mga airport at seaport para matiyak na hindi ito maaapektuhan ng gulo. Sa ngayon, umabot na sa 1,500 katao ang nasa mga evacuation center.
Huwag i-sensationalize
Umapela rin ang mayor sa mga miyembro ng media na huwag i-sensationalize ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko para hindi maapektuhan ang operasyon ng mga awtoridad.
Inatasan na rin ni Pangulong Aquino sina Interior Secretary Mar Roxas at Defense Secretary Voltaire Gazmin na magtungo agad sa Zamboanga City para personal na mabantayan ang mga kaganapan doon.
‘Mass action’
Ayon naman kay Lt. Col. Ramon Zagala, hepe ng Armed Forces public affairs office, na-monitor ng mga tropa ng pamahalaan ang plano ng MNLF na magsagawa ng malawakang pagkilos tatlong araw bago ang insidente, ngunit noong Linggo ng gabi lang natunugan na may mga sasamang armado.
Dahil sa impormasyon, nagsagawa ang Naval Special Operations Group ng operasyon sa bahagi ng dagat na sakop ng Sta. Catalina at nakasagupa ang ilang armadong kasapi ng MNLF.
Isang kawal ang nasawi habang anim pa ang sugatan sa engkuwentro, sabi ni Zagala sa mga reporter sa Camp Aguinaldo.
“Three days ago, we knew of a mass action and then last night was the time we confirmed that there will already be an armed aggression, they (MNLF) will try to march to the city hall and we can’t allow that.
There is only one legitimate military force in our country and that is the Armed Forces of the Philippines, we cannot allow another armed force to march into our cities, that is unacceptable,” ani Zagala.
“If there is a political intent, that is not our concern as of the moment, our concern is the safety and security of the poulace in Zamboanga and we are doing that right now,” dagdag ni Zagala.
6 MNLF dakma
Sa gitna ng “law enforcement operation,” naaresto ng mga tropa ng pamahalaan ang anim na kasapi ng MNLF sa Purok Fishpond, Rio Hondo.
Dalawa sa mga nadakip, na nakilala bilang sina Nurin Ismael at Mukim Jamahali, ang nakuhaan ng mga kargadong kalibre-.45 pistola, ani Huesca.
Nakasuot ang mga nadakip na rebelde ng camouflage uniform na may mga berdeng “countersign” sa balikat, aniya.