Zombie movie nina Kim, Jerald at Candy comedy version ng ‘Kingdom’ ng Korea; shooting binagyo, nilindol

Kim Molina, Jerald Napoles at Candy Pangilinan

BINAGYO at nilindol ang shooting ng bagong comedy-horror movie ng Viva Films at Vivamax na “Sa Haba Ng Gabi” na pinagbibidahan nina Kim Molina, Jerald Napoles at Candy Pangilinan.

Muling pinagsama-sama ang tatlo sa isa na namang bonggang pelikula matapos ang hit Vivamax movie nilang “Ang Babaeng Walang Pakiramdam.”

This time, mananakot at magpapatawa naman sila ng mga manonood. Ito ang magiging Holloween presentation ng Reality Multi Media Studios at Viva Films na ipalalabas na simula sa Oct. 29 sa Vivamax.

Kuwento nina Jerald, Kim at Candy, isang kakaibang zombie movie ang “Sa Haba Ng Gabi” na siguradong magugustuhan ng mahihilig sa horror-suspense na may halong comedy.

Natatawa namang ikinumpara ng celebrity couple na sina Jerald at Kim ang bago nilang movie sa 2019 hit South Korean horror-thriller na “Kingdom” na naging number one din sa Netflix.

“Ito po yung comedy version ng Kingdom. In-imbibe po namin yung Kingdom!” chika ni Kim sa ginanap na virtual mediacon ng “Sa Haba Ng Gabi” kamakailan.

Dagdag pa niya, kung ano raw yung mga nakakalokang eksena sa “Kingdom” ay hindi nila ginaya sa kanilang pelikula na idinirek ni Miko Livelo. Medyo hawig daw ang tema nito sa “Kingdom” pero hinaluan ng komedya at tatak ng Pinoy horror movies.

Naikuwento rin ni Kim na sa isang mansion sa Tagaytay City pa kinunan ang mga malalaking eksena sa pelikula. 

Bumilib nga raw ang buong cast sa production ng pelikuka dahil sa kabila ng mga aberya at problemang hinarap nila sa shooting ay natapos din nila ito nang bonggang-bongga.

Hinding-hindi raw niya makakalimutan ang dedikasyon at sipag ng staff lalo na noong abutin sila ng bagyo at lindol sa shooting,  “Sobrang dedicated sila [production team] kasi isipin mo, yung art department namin, nagkaroon ng time na biglang nag-earthquake.

“Habang lumilindol, yung chandelier ng bahay, continuity scene sa buong movie, nakatingin sila sa chandelier, ang iniisip nila, ‘Paano kung mahulog ito? Paano yung pelikula?’

“Nasa ilalim sila ng chandelier habang lumilindol. Ang iniisip nila, sasaluhin ba nila o hindi? Meron akong, ‘Hala, grabe naming dedication ito!’” lahad ni Kim.

Ang zombie apocalypse movie na ito ay ipinrodyus ng Master of Horror na si Erik Matti at sa direksyon nga ni Miko Livelo.

Iikot ang kuwento nito kay Neneng (Candy), na katulong sa isang mansyon na pag-aari ng isang senator. Hinimok niya ang pinsan na si Jhemerlyn (Kim) na magtrabaho roon. 

Desperadong makahanap ng trabaho, tinanggap agad ni Jhemerlyn ang alok ng pinsan. Hindi nagtagal, nadiskubre ni Jhemerlyn na ginagamit ng senador ang mansyon para doon dalhin ang kanyang mga babae. 

Maayos ang lahat sa mansyon, hanggang sa isang araw na umuwi ang senador na maputla at mukhang may sakit. Di nagtagal ay nabalitaan ng magpinsan na may virus na kumakalat sa buong probinsya, at ginagawa nitong zombie ang mga tao. 

At habang nagaganap ang apocalypse, sa mansyon din naisipang magtago ni Noel (Jerald Napoles), ang personal driver ng senator. Simula na ng pinakamahabang gabi sa buhay nina Neneng, Jhemerlyn at Noel. Sa loob ng mansyon, manonood sila ng TV, haharot at susubukang mag-survive sa zombie apocalypse. Ngunit malalagpasan ba nila ang gabi nang buhay at nananatiling tao? 

Siguradong mahahawa kayo sa kakatawa sa panonood ng “Sa Haba Ng Gabi” mula sa Viva Films at Reality Entertainment, streaming online sa Oct. 29 sa Vivamax Philippines, Hong Kong, Taiwan, Thailand, Malaysia, Indonesia, Singapore, Japan, South Korea, Macao, Vietnam, Brunei, Maldives, Australia, New Zealand, the Middle East at Europe.

Read more...