Raffy Tulfo
BAKIT nga ba kailangan pang tumakbo sa pagkasenador si Raffy Tulfo?
Malaki na naman ang naitutulong niya sa publiko sa pamamagitan ng kanyang mga programa at vlog sa YouTube.
Inamin ni Idol Raffy na ito rin ang tanong sa kanya ng mga kaibigan at mga kamag-anak nang magdesisyon siyang tumakbo sa 2022 elections.
“Tanong sa akin, maayos ang sitwasyon bilang isang brodkaster, top-rated ang show mo, number one ka sa YouTube, kumikita ka ng maayos, bakit ka papasok sa politika, sakit sa ulo lang ‘yan. Para kang kumuha ng bato at ipinukpok mo sa ulo mo? Bakit nga ba?” ang bungad ni Raffy nang makaharap siya ng ilang miyembro ng media nitong Sabado ng gabi.
“Sa loob po ng mahigit dalawang dekada ko na sa public service bilang isang brodkaster at private citizen, doing public service na kung saan araw-araw, five days a week nakakaharap ko, nakakausap ko ang mga tao na idinudulog ang samu’t sari nilang problema.
“Lahat yata ng problema ng mga Filipino ay napakinggan ko na at naaksyunan ko, ramdam ko po ang kanilang paghihirap, ramdam ko ang kanilang kinikimkim, mga sama ng loob, kitang-kita ko first hand because face to face ko silang nakakausap nu’ng wala pang pandemic.
“Kung paano nila binibitbit ang kanilang sama ng loob dahil hindi po naaaksyunan ng mga kinauukulan ang kanilang problema. So, they come to me as last result. Ramdam ko ang kanilang galit sa sistema pero hindi ko ginagatungan ‘yung kanilang galit, sa halip ay sinasabi ko ‘chill-chill lang kaya nating ayusin.’ At naaayos naman namin,” aniya.
Isa pang halimbawa ni Raffy ay ang mga manggagawang maliliit na mabababa ang suweldo pero hindi ibinibigay ng tama ng mga amo kaya lumalapit sa kanya at tutulungan niyang ilapit sa DOLE na nabibigyan naman ng aksyon agad.
“Kakausapin ng arbiter ‘yung amo and employees, pag-aayusin sila at dahil nandiyan kami, nagkakaayos. Naibibigay ‘yung pera na hindi naibibigay but there are some cases na tatawad ‘yung amo, ‘yung empleyado dahil walang-wala at gusto nang makauwi ng probinsya kaya tatanggapin na lang ‘yun. At sasabihin ng DOLE kay amo huwag nang ulitin,” kuwento ng brodkaster.
Pero ang ikinagugulat nito pagkalipas ng ilang araw ay ibang set ng mga empleyado naman ang darating at inirereklamo rin ang parehong amo at ilang beses nangyari na iisang amo ang inirereklamo.
“Paulit-ulit na lang po ‘yan. So I told myself it’s about time I have to break this cycle na nakaka-stress po at nade-depress na po ako dahil nakita kong wala nang katapusan. And how would I break that cycle na wala nang katapusan?
“Kasi po bilang isang private citizen, meron pong limitasyon ang tulong na kayang ibigay ko alam n’yo naman siguro ‘yan.
“To solve a problem, a perennial problem in the government it has to be somebody from the government to solve it. So dapat, I have to be in the government to solve a problem inside the government and I cannot do that if I’m a private citizen.
“So, therefore sinabi ko sa sarili ko, forget itong ginagawa ko araw-araw na nakakasuka na dahil paulit-ulit na lang itong makukulit na employer so I have to do something dahil sawa na ako. Kumbaga sa sakit, band aid solution.
“Bakit ko bibigyan ng band aid solution itong mga manggagawa, bakit hindi na lang major surgery? ‘Yung major surgery ang tutumbukin ko, ang pinaka-root ng problema at ayusin natin.
“And how can I do that, to pass the legislation na para once and for all para ma-address na po ‘yung mga problema ‘yung maliliit, mahihirap at mga walang boses sa lipunan na mga kababayan natin,” mahabang paliwanag ni Raffy Tulfo.
Samantala, natanong din siya tungkol sa mga nag-unfollow sa kanya sa social media at YouTube na supporters ni Presidente Rodrigo Duterte.
“Nag-unfollow na sila! ‘Yung pag-unsubscribe’ yan ay isang option sa youtube para ‘yung mga ayaw na maging subscriber ng isang channel, e, puwedeng gamitin ang option na ‘yun.
“Ang kaso sa akin ay may mga taong ayaw ng maging subscriber sa akin sa YouTube channel ko, e, ini-exercise lang nila ‘yung option na ‘yun at karapatan nila ‘yun. Wala akong sama ng loob sa kanila because option nila ‘yun,” sagot ni Raffy.
Sa tanong kung bakit siya kumandidatong independent, “Ayokong magkaroon ng utang na loob sa anumang partido dahil gusto ko pag ako nanungkulan naka-focus ako sa pagsisilbi sa taumbayan. Ang loyalty ko ay sa taumbayan at hindi kung kani-kaninong partido.”