Katrina Ponce Enrile
SASABAK na rin sa politika sa kauna-unahang pagkakataon ang anak ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na si Katrina Ponce Enrile.
Nag-file na ng kanyang Certificate of Candidacy sa pagkakongresista sa Unang Distrito ng Cagayan sa ilalim ng partidong LAKAS-CMD si Katrina Ponce Enrile (KPE) nitong nagdaang Oct. 7.
Isinumite ng kanyang abogado na si Atty. Cathleen Cotay ang kanyang COC dahil siya’y kasalukuyang naka-quarantine pa matapos ma-expose sa isang COVID positive.
Una nang sinabi ni KPE na may basbas ng kanyang ama ang naging desisyon na pumasok na rin sa mundo ng politika.
Nakapagtapos si KPE ng kursong Political Science sa University of the Philippines kaya naman hindi na bago sa kanya ang larangan ng pulitiko, lalo’t lumaki rin siyang iniidolo ang pagpaseserbisyo publiko ng kanyang ama.
Bago ang kanyang desisyon na tumakbo para sa Kongreso, hawak ni KPE ang ilang negosyon ng kanilang pamilya bilang CEO and President. Dito’y nakapagtala siya ng magandang track record sa matagumpay na pagpapalago sa kanilang mga negosyo.
Patunay dito ang patuloy na paglago ng kilalang food brand na Delimondo sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang kanyang husay sa pagnenegosyo, propesyonal na pakikitungo, at pati rin ang kanyang maagang pagkamulat sa mundo ng politika, kasama ang kanyang tunay na pagmamalasakit at hangaring makatulong sa kanyang kapwa Cagayanos sa oras ng pangangailangan at kalamidad, ang maaaring maging winning formula sa kanyang pagkapanalo sa 2022.
Ang kanyang battlecry na “Alagang Katrina” ay patuloy na nararamdaman sa pamamagitan ng kanyang pagtulong sa lahat ng sektor sa Cagayan, at plano siya itong palawigin at palakasin pa sa Kamara sakaling palarin siyang manalo.
Samantala, kasama ng kampo ni KPE si Cagayan Third District Board Member Perla Tumaliuan sa kanya ring pag-file ng kandidatura bilang bise gobernador sa ilalim ng Partido Federal Pilipinas na partido ni dating Senador at ngayo’y presidential candidate Bongbong Marcos.