Paulo dinenay na lasing si Jake nang habulin ng pulis: Nakainom? Maybe. Nakasagasa ba, nakasakit…hindi!

Paulo Avelino at Jake Cuenca

MATAPANG na dumepensa si Paulo Avelino sa mga bumabatikos at nangnenega kay Jake Cuenca na nasangkot sa police-chase incident kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong.

Todo tanggol si Paulo sa kanyang kaibigan nang mabasa ang mga hate message at mean comment ng netizens kasunod ng pagsagot sa mga tanong ng ilan sa kanyang social media followers.

Na-headline si Jake kahapon nang maaresto ng pulisya habang sakay ng kanyang SUV matapos umano niyang mabangga ang sasakyang ng mga pulis na nagsasagawa ng buy-bust operation sa may Shaw Boulevard sa Mandaluyong.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) director Police Brigadier General Matthew Baccay hindi huminto ang aktor nang parahin ng  mga pulis kaya nagkaroon ng habulan.

Napilitang tumigil si Jake nang barilin ng mga rumespondeng pulis ang gulong ng kanyang sasakyan. Isang Grab driver naman ang tinamaan ng ligaw na bala na agad isinugod sa ospital at maayos na umano ang kalagayan ngayon.

Pinalaya naman daw agad si Jake dahil hindi na umano siya sasampahan ng kaso at wala ring nakuhang anumang ilegal sa kanyang sasakyan.

At isa nga sa mga unang nangumusta kay Jake matapos ang insidente ay ang kaibigan niyang si Paulo. Ipinagtanggol din niya ang boyfriend ni Kylie Verzosa sa mga “negatron.”

Sa unang tweet ng Kapamilya actor, sinabi nitong kung siya rin daw si Jake baka hindi rin siya huminto sa pagmamaneho dahil nga hindi naman niya alam na mga pulis ang humahabol sa kanya.

“I wouldn’t stop for anyone shooting my vehicle wearing civilian clothes. Pass through a checkpoint? Hinarang ba?

“If someone was shooting me it’s either I shoot back or run for my life. Wrong place wrong time,” ang ipinost ni Paulo sa Twitter.

May nagtanong din sa kanya kung lasing ba si Jake habang nagmamaneho at kung may nasagasaan ito.

Sagot ng aktor, “Drunk? No. Nakainom? Maybe. Nakasagasa ba? Nakasakit ng tao? Hindi.

“Walang malay na nagmamaneho papunta dito sa punyeta kong bahay dahil kaka-recover ko lang sa COVID,” aniya pa.

May nagkomento naman ng, “Nakabangga sya so dapat talaga huminto sya. And nasa buy bust operation yung pnp malay ba nila kung yung sakay ng suv eh related dun sa operation nila, maybe kaya hinabol nila nung sasakyan and para huminto eh binario yung gulong. Anyways, sana ok na yung rider na nadamay.”

Sinagot din siya ni Paulo at ipinagdiinan na pribadong sasakyan daw ang nabangga ni Jake at hindi official police car kaya hindi masisisi ang aktor kung hindi man ito huminto.

Bwelta ni Paulo sa netizen, “Ma’am wag po tayo mag marunong. Wala pong tama sasakyan niya. Kung may nasagi man gulong niya malang dahil kita naman po sa mga picture lampas ng sasakyan.

“Yung complainant po private vehicle ng pulis na ginamit sa operation. Uulitin ko po, GET YOUR FACTS STRAIGHT.”

May isa pang tweet si Paolo kung saan sinabi nitong hindi siya magdadalawang-isip na tumulong sa kapamilya o kaibigan na may COVID-19. Hindi na raw niya iisipin kung mahahawa o tatamaan din siya ng virus.

“Same thing I would do for someone I love. If you get Covid then F it. I wouldn’t care If I get it too. I’m taking care of you whether I get it or not. If I die due to covid, I’ll be happy I did it for someone I love,” ani Paulo.

Read more...