Pagsali ni Karla sa Tingog Party-list, kinuwestyon ng KathNiel fans

PORMAL nang naghain ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ang Kapamilya host na si Karla Estrada bilang third nominee ng Tingog Party-list ngayong araw, Oktubre 8.

“Hindi ito naging madaling desisyon para sa akin at para sa aking pamilya. Pero dahil nandyan kayo at ang buong Tingog Party List, panatag po ako na kakayanin ko,” saad ni Karla sa kaniyang Facebook post.

Marami naman sa mga netizens ang napataas ang kilay matapos itong lumabas sa balita sapagkat ang kasalukuyang representative ng nasabing party-list na si Yedda Romualdez ay isa sa mga bumoto noon para mawalan ng prangkisa ang Kapamilya network.

Agad na kinuyog ng mga netizens ang ina ni Daniel Padilla na isa sa mga kilalang Kapamilya actor at parte ng phenomenal loveteam ng ABS-CBN na KathNiel.

“Ang KathNiels ay aware sa mga nangyayari sa bansa. You can’t expect our support because in this house, we don’t support someone who chose to be on the same party-list with people who said no to the franchise renewal. Baka nakakalimot ka? #WithdrawKarlaEstrada,” comment ng sang netizen.

“ABS-CBN gave you a job. Revived your career, gave you opportunities and in return you chose to run under a party-list who killed your franchise. The irony, Ms. Karla?” sey naman ng isa pa.

“We are not in favor with the partylist that you chose that obviously said YES to ABS-CBN shutdown. Withdraw now,” hirit pa ng isa.

Trending ngayon ang #WithdrawKarlaEstrada bilang pagkondena sa naging desisyon ng aktres at TV host na pagpanig sa nasabing party-list.

Isang screenshot naman ang kumakalat sa social media na mula kay JC Padilla, anak ni Karla at kapatid ni Daniel.

“‘Yung tingog kasi partylist sa Tacloban which is hometown ni Mama. It doesn’t mean na sang ayon siya sa pagpapasara ng ABS-CBN. Isa sa mga motive ni Mama kaya siya pumasok sa partylist, maliban sa hometown niya, dito rin nya ibibigay ‘yumg opinyon niya para mag-iba yung pananaw sa ABS. Kaya may pag asa na sa susunod na renewal magiging ok ang tingog sa ABS-CBN.

“Isa pa hindi rin naman kakalabanin ng nanay ko yung ABS-CBN dahil sa dami na nilang pinag samahan at nag paalam si mama sa mga boss ng ABS-CBN at sumang ayon naman sila dahil alam din nila magiging tulong si mama sa renewal,” saad nito.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na statement sina Kathryn Bernardo af Daniel Padilla ukol sa isyung ito.

Bukas naman ang BANDERA para sa pahayag nina Karla Estrada, Daniel Padilla, at Kathryn Bernando ukol rito.

Read more...