Ogie Diaz at Andrea Brillantes
SA edad na disiotso, dapat nang mag-ingat-ingat si Andrea Brillantes sa mga binibitawan niyang salita lalo’t public figure siya, kaya anything na may sasabihin siyang hindi maganda sa pandinig ng marami ay big deal na ito.
Sa madaling salita, taklesa ang isa sa bida ng teleseryeng “Huwag Kang Mangamba” kung saan kasama rin niya sina Francine Diaz, Seth Fedalin, Kyle Echarri at Sylvia Sanchez.
At bilang kilala namin nang personal ang manager niyang si Becky Aguila at anak nitong si Katrina Aguila ay sigurado kaming napagsasabihan nila si Andrea na mag-ingat sa kanyang mga sinasabi.
May netizens kasi na nagsasabing “wala siyang friends sa showbiz” na sinagot ng aktres ng, “Lumaki naman talaga akong walang friends. Hindi na importante sa akin na marami akong kaibigan. Kasi nga believe it or not, alam ko at alam n’yo naman maraming plastic sa showbiz.”
Sabagay, totoo naman talaga ang sinabi ni Andrea na maraming plastic sa showbiz na kunwari mabait o magiliw sa ‘yo, ‘yun pala may ibang intensyon o motibo.
Ito ang naging topic nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Tita Jegs sa Showbiz Update YouTube channel na in-upload nitong Okt. 6.
Ipinatanggol ng talent manager ang young actress, “Huwag kang mag-alala Andrea Brillantes, hindi ka pa ipinanganganak alam kong nagsasabi ka nang totoo. Ha-hahaha!”
Dagdag paliwanag ni Ogie, “Pero actually, masyado lang nama-magnify ang showbiz as parang ang plastik kasi, ’di ba, this is the world of make-believe, ika nga.
“So, parang doble-kara daw ang showbiz. Kasi isang nakangiti, pag talikod nakasimangot o umiiyak. Or isa raw umiiyak pagtalikod acting lang pala, nakatawa pala s’ya. So, ganito rito.
“Sa ibang larangan din meron namang ganu’n. Bakit sa isang opisina ba walang plastik, lahat totoo? Sa politika ba walang plastik, lahat totoo? E, ’di ba, ’yung iba pa nga corrupt?
“So gusto ko lang sabihin dito kay Andrea na, ‘anak hindi mo na kailangang ipaggiitan ’yan. Kahit saang larangan, kahit sa school, kahit sa trabaho may plastik,” ani Ogie.
Hirit naman ni Mama Loi, “Pero ‘Nay (tawag kay Ogie) may point si Andrea, gaano ba katotoong mahirap humanap ng friends sa showbiz?”
“Ah, friend sa showbiz kahit saang larangan may plastik, may totoong kaibigan.
“Kahit nga sa sarili mong pamamahay, sa pamilya mo, ’di ba? Madalas din isa sa mga kaanak mo ay plastik sa ’yo, nai-insecure sa ’yo,” sagot ng manager at vlogger.
“Dito sa industriya natin sa showbiz, merong itinatangi kang kaibigan. Meron ding tinatawag na ‘true friends’ and ‘taping friends.’
“Ang taping friends, sabi nga ni Janus del Prado ay ’yong kaibigan mo lang during taping, dahil kasama mo lang sa taping, dahil kasama mo sa dressing room o sa tent kaya kayo nagkakatsikahan. Taping friends ’yon.
“Ako, ’yan ang mas marami sa akin, taping friends na kapag oras ng taping ayan, magkakaibigan kami. Nice kami sa isa’t isa pero hindi nangangahulugan na nagpaplastikan kami.
“Kundi, nice kami sa isa’t isa kasi ayaw namin ng animosity sa loob ng taping. Ayaw namin nang magkakaaway kami dahil maaapektuhan tiyak ’yong aming pag-arte. Magsa-suffer ang aming craft pag may dalawa doon (co-actors) na hindi nagkikibuan,” paliwanag pa niya.
At ibinuking din niya na ang mga producer o production ay ayaw nila ng magka-loveteam na totoong may relasyon dahil affected ang trabaho kapag nag-away.
Sabi ni Ogie, “Kaya minsan ayaw din nila na ’yung loveteam ay magkarelasyon sa totoong buhay kasi nga pag nag-away ’yan damay pati trabaho.
“Minsan si girl o si boy ayaw mag-taping. O, ’di, wala na, purnada na nadadamay pati ibang artistang wala namang kinalaman sa away nila. Kaya ako, iba ang taping friends sa akin sa true friends,” sabi pa.
Tinanong ni Mama Loi kung may true friends sa showbiz si Ogie, “Oo, dalawang itinatangi kong kaibigan talaga sa showbiz ay si Aiko Melendez at si Paolo Contis dahil si Paolo obviously nine years old pa lang anak-anakan ko na hanggang sa lumaki siya. Edad 37 na ang aktor ngayon.
“At si Aiko Melendez naman ay trese anyos (ipinakita ang larawang bata pa ang aktres) ay kaibigan ko na ‘yan. Talagang ako ang sumbungan nila. E, bihira lang naman ang may nagsusumbong sa akin.
“E, silang dalawa lang ang matiyagang magsumbong sa akin dahil nagtitiwala sila sa akin na kahit reporter ako, e, hindi nila ako kailangang sabihan na ‘huwag mo nang isulat ha,’” ani Ogie.
Kuwento pa niya, sa 34 years niya sa showbiz industry ay ang dalawa lang lagi ang tumatawag sa kanya para idaing ang kanilang problema.
Going back to Andrea Brillantes ay sigurado kaming nagsasabi rin siya sa manager niya ng mga problema niya sa showbiz, ‘yun nga lang kapag nakarinig o nakabasa ng hindi maganda ang dalaga ay talagang umiinit kaagad ang tenga nito.