LABIS ang kasiyahan ng lolo at lola ni Herlene Budol o mas kilala bilang si Hipon Girl nang sorpresahin mg dalaga ang mga ito ng bagong refrigerator.
Sa latest vlog nito ay ibinahagi nito ang kaniyang paghahanap ng ref at ang naging reaksyon ng kaniyang lolo at lola.
“Mga kapitbahay, puwede na kayong bumili ng yelo sa amin. May yelo na kami,” sigaw ng dalaga.
Kitang kita naman ang saya sa mukha ng kaniyang lolo at lola nang makita ang ref.
“Ang tagal na naming walang ref. Hindi na kami nakakatikim ng malamig na tubig,” pabirong saad ng dalaga habang ina-unbox ang kanilang ref.
Amin niya, matagal na raw silang walang ref dahil nasira ang dati nilang ginagamit dahil nabasa ito nang bumaha sa kanilang lugar.
“Wala akong masasabing maganda kundi talagang magandang-maganda,” saad ng kaniyang lolo.
Sa huli ay nagpasalamat si Herlene sa Gonzaga family dahil sa kanya nagmula ang pera para sa kanilang bagong ref.
“Gonzaga family, maraming maraming salamat. Kay Ate Toni rin dahil lahat ng naging views sa YouTube channel niya, binigay sa atin. Maraming maraming salamat Gonzaga family, I love you so much,” pasasalamat ng dalaga.
Nagpaabot rin ng pasasalamat ang kaniyang lolo at lola kina Toni Gonzaga.
Bukod sa ref ay plano rin niyang ipaayos ang bubong ng kanilang bahay na manggagaling sa perang ibinigay ng aktres.
Matatandaan na nag-trending ang vlog ni Toni kung saan ininterview niya kung kumusta na ba ang isa sa mga naging co-host ni Willie Revillame sa kaniyang show na “Wowowin” kung saan lahat ng kikitain ng nasabing vlog ay ibibigay niya kay Hipon Girl bilang tulong sa dalaga.
Bago pa man mangyari ang interview ay nagkasama na sina Herlene pati na rin si Alex kung saan nabiktima ang dalaga ng prank ni Alex.
***
PORMAL nang naghain ng Certificate of Candidacy ang Kapuso star na si Aiko Melendez sa pagkakonsehal sa District 5 ng Quezon City.
At dahil nga sure na ang pagtakbo nito sa darating na eleksyon ay kinakailangan nitong umalis sa kaniyang teleseryeng “Prima Donnas”.
“Hindi ko po papasukin ang public servicr dahil ako ay [walang] kasiguraduhan sa mundo [kung] saan ako galing, sa katunayan nga saksi ang GMA-7 family ko na iiwan ko ang Prima Donnas at masakit man sa puso at kalooban nila na mawawala ako sa show dahil papasukin kong muli ang mundo ng public service,” pagbabahagi nito sa kaniyang Instagram account.
Giit pa nito, hindi ito magbabalik public service dahil naghihirap na siya sa showbiz bagkus babalik siya dahil naniniwala siyang kinakailangan siya ng mga tao sa distritong kaniyang pinaglingkuran noon.
Hindi na bago ang politika para sa aktres dahil siyam na taon rin itong nanungkulan bilang konsehal ng Quezon City.
Dagdag pa niya, marami siyang naipasang batas noon na hanggang ngayon ay memorable pa rin daw sa mga taong natulungan niyang ipaglaban ang karapatan sa lupa at pabahay pati na rin ang paglaban sa benepisyo para sa mga PWD at pati mga proyekto para sa mga kababaihan.
Wala rin daw siyang naging issue ukol sa korapsyon at ‘do raw tulad ng iba na minana o pinagpasahan ng puwesto sa pagiging public servant, siya raw ay mag-isang tumayo, nagtrabaho, at pinagpaguran mismo ang pwesto at tiwala ng mga QCitizens.
“Kaya nating bigyan ng solisyon ang mga problema sa gitna ng pandemya lalo na kuny ito ay galing sa puso at napag-iisipan,” saad pa ng aktres.