Duterte, pabigat sa kandidatura ni Mayor Sara

Nakakasawa nang makinig sa mga late-night-public address ni Pangulong Duterte. Maraming beses na rin nating naisulat na imbes maging daan ito para magkaroon ng komunikasyon at maipahayag sa taong-bayan ang sitwasyon ng bansa kaugnay sa nagaganap na pandemya, ginagamit ni Duterte ang okasyong ito upang tirahan, insultuhin at murahin ang mga taong hindi sumasang-ayon sa kanya at yung mga kalaban niya sa politika, lalo na ang mga miyembro ng opposition.

Sinasamantala niya rin ito upang ipahayag at isulong ang kanyang mga planong political na wala namang kinalaman sa nagaganap na pandemya. Kailan kaya magkakaroon ng lakas ng loob ang ilan nating opisyales sa Malacanang na magsabi sa pangulo na tigilan niya na ang paggamit ng public address upang isulong ang kanyang pansariling interest at mag-focus na lang sa usaping pandemya.

Nitong Lunes, katulad ng kanyang mga nakaraang mga public address, nagsalita na naman ito laban sa nagaganap na Senate investigation. Inatake si Senator Gordon at muling umaktong abogado at ipinagtanggol ang pagbili sa sinasabing overpriced na face shield at iba pang medical equipment gears. Nauna rito, matapos na mag urong-sulong, tuluyan niya na rin ipinagbawal ang pag-attend ng mga departments at agencies heads sa nagaganap na imbestigasyon. Ipinag-utos niya rin noong nakaraang linggo sa PNP at AFP na huwag sundin ang utos ng Senado tungkol sa pag-aresto ng mga taong hindi sisipot sa nasabing imbestigasyon. Mga kautusan labag sa constitution.

Ang pag-aabogado ni Duterte sa mga isinasangkot sa face shield scandal at patuloy nitong pagtatanggol sa pagbili ng DBM ng mga sinasabing overpriced na face shields at medical equipment gears ay hindi nakakatulong sa kanya. Lalo lang nitong pinapalakas ang paniniwala ng maraming tao na may anomalya at corruption ngang nangyari sa pagbili ng mga ito. Siya na rin mismo, sa kanyang pananalita at akto, ang nagbibigay ng dahilan upang paniwalaan ng taong-bayan na may anomalya at corruption ngang nangyari.

Makikita na mula ng maisiwalat at imbestigahan ng Senado ang face shield scandal, nag-umpisa nang bumulusok pababa ang popularidad ng pangulo at ng kanyang administrasyon dahil nakita ng taong-bayan na hindi seryoso si Duterte sa paglaban sa corruption. Nakita ng mga tao na may kinikilingan at pinoprotektahan ito. Ang pagtatanggol niya sa face shield scandal ay taliwas at kontra mismo sa sinasabi nyang anti-corruption government ng  kanyang administrasyon. Dahil dito, nawawala na ang tiwala ng taong-bayan sa kanya at kasama nito ang pagbagsak ng kanyang popularidad

Lahat ng indikasyon ay nagsasabi ngayon na pawala na ang popularidad ni Duterte. Sa huling survey ng Pulse Asia, halos bumaba lahat ang approval rating ng kanyang administrasyon sa iba’t-ibang usaping national issues, partikular ang paglaban sa graft and corruption na sumadsad at nabawasan ng 12%. Nauna dito, nakakuha lang ng 14% at pumangalawa lamang ng malayo ang Pangulo kay Senate President Tito Sotto sa vice-presidential survey. Binasura rin ng 60% na respondents sa SWS survey ang tangkang pagtakbo ni Duterte bilang vice-president sa May 2022 na nagsabi na labag sa intensyon ng constitution ito.

Masamang senyales ito para kay Duterte. Kailangan ni Duterte ng isang kaalyadong pangulo sa 2022. Hindi natin makakaila na marami ang naghihintay matapos ang kanyang termino sa June 30, 2022, upang siya ay idemanda sa korte, kasama dito ang ilang magulang, asawa, anak at kamag-anak ng mga nabiktima at namatayan sa paglulunsad ng kanyang kaduda-duda at kinakatakutang “war on drugs”. Isama na rin natin ang posibleng kasong ill gotten wealth, plunder at iba pa, na sinasabing isasampa ni dating senator Antonio Trillanes laban sa kanya.

Pero dahil sa mga corruption issue sa face shield scandal at ang patuloy na pag-aabogado ni Duterte sa mga sinasangkot dito na nagmulat sa marami sa katotohanan kung anong klaseng pangulo si Duterte, tila magiging pabigat ang pangulo sa sinumang i-endorso nito sa pagkapangulo sa 2022 election. Hindi katulad noong 2019 election kung saan ang pagtaas ni Duterte ng kamay ng isang kandidato ay malaking tulong o di kaya tiyak na pagkapanalo, ngayon tila hindi mangyayari ito. Ang pagtaas ng kamay at pag-endorso ni Duterte, o ma-connect ka man lang dito, ay maaaring isang “kiss of death” sa kandidatura ng sinuman.

Bagamat nag file na ng certificate of candidacy si Mayor Sara sa pagka-mayor muli ng Davao City, maaari pang magbago ang isip nito upang tumakbong pagkapangulo sa 2022, o kaya magkaroon ng substitution of candidate bago dumating ang November 15. Maaalala na sinabi ni Duterte noong Lunes na tatakbong pagkapangulo si Mayor Sara. Kung ganito ang mangyayari, hindi makakatulong sa kanya si Duterte. Ang Pangulo ay magiging pabigat pa sa kanyang kandidatura.

Bilang isang presidential candidate, haharapin ni Mayor Sara, o sinuman ang magiging kandidato ni Duterte, ang pananaw at pagtingin ng mga tao na kapag siya ang nahalal bilang pangulo sa 2022, bibigyan niya ng proteksyon si Duterte laban sa inaasahang mga criminal cases na ihahain laban dito, kasama na ang ICC cases. Hindi natin maaalis na isipin ito ng mga tao, lalo na sa parte ni Mayor Sara, dahil sa relasyon nila bilang mag-ama.

Titignan din ng taong-bayan na ang isang Pangulong Sara Duterte-Carpio ay kadugtong at pagpapatuloy lang ng palpak na administrasyong Duterte dahil si Mayor Sara at Duterte ay iisa lang.

Tunay ngang magiging pabigat si Duterte sa sakaling kandidatura ni Mayor Sara sa pagkapangulo.

Read more...