DIYOS ko Lord! Tulungan nyo po kami. Yung Pangulo namin inaakay na.”
Ito ang tweet ng komedyante at direktor na si John “Sweet” Lapus na gumawa na naman ng ingay sa social media.
Inihayag ito ng direktor matapos samahan ni Pangulong Duterte si Sen. Bong Go sa paghahain nito ng Certificate of Candidacy (CoC) sa pagkabise presidente. Makikita ritong inaakay sa paglalakad ang Pangulo.
Hindi rin ito ang unang beses na makikita o mahahagip sa kamera na may mga umaakay sa pangulo sa tuwing ito’y maglalakad.
Marami naman ang nainis sa tila patutsada ni Sweet kay Duterte.
“Alam mo ang karma? Matanda na yong tao, binu bully mo pa. Dahan dahan baka bukas or di natin alam, malalaman mo na lng ikaw naman ang inaakay,” sey ng netizen.
“Bakla buhay ka pa mukha mo parang patay na. Jusko!” hirit naman ng isa pa.
Sa sumunod naman na tweet ni Sweet ay sinabi nitong, “Grabe may trolls talaga na bagong gawa ang twitter account para lang makapag comment. Pls report them.”
Sa panahon ngayon ay mas marami na ang mulat sa social media kaya madali na lang rin ang pag-gawa ng troll accounts para makapanira ng ibang tao.
Isa rin si John sa mga celebrities na vocal sa kaniyang political stand.
Kamakailan rin ay nag-trending ito nang mag-tweet ito ukol sa naging pahayag ni Sen. Manny ukol sa mga myembro ng LGBTQIA+ community.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Ogie Diaz ang alaga nitong si Raffy Tulfo sa mga bashers matapos nitong kainin ang sinabing hindi raw ito tatakbo sa eleksyon dahil kaya naman daw niyang tumulong sa ibang tao sa sariling paraan na alam niya.
Dahil nga rito ay marami sa netizens ang bumabatikod kay Raffy Tulfo at sinabing wala itong isang salita.
Nito ngang Sabado, Oktubre 2, nang pormal na maghain ng CoC ang broadcaster bilang senador matapos magpaalam nito sa kaniyang mga programa sa TV5. Mananatili naman ang YouTube show nito ngunit may ibang tao ang magho-host at magkakaroon lamang ng segment ang broadcaster para mamigay ng tulong o ayuda sa madlang pipol.
“Ang tao ay nagbabago rin ng pahayag. Hindi naman para sa ikasasama niya ‘yung kaniyang naging desisyon, ‘di ba?” saad ng talent manager.
Dagdag pa niya, nakausap na raw niya si Raffy at sinabi raw nito na siguro, kung magiging senador siya ay mas malalapitan raw nito ang mga government officials. Mas malalapitan raw nito ang mga gabinete at mga inirereklamo ng taumbayan sa gobyerno.
Chika pa ni Ogie, madalas daw kasing nangyayari na kapag government official raw ang inirereklamo ay hindi raw sinasagot si Raffy kaya di raw nagiging balanse ang nagiging talakayan ng reklamo ng mga netizens.
“Mayroon siyang gustong maisabatas at kung luma na ang batas ay gusto niyang maamyendahan,” dagdag pa ni Ogie.
Inihalintulad rin ni Ogie ang alaga kay Pangulong Duterte na noong una ay ayaw tumakbo ngunit pinush raw ng taumbayan na tumakbo at nanalo pa nga.
“Kumbaga, nag-iiba iba rin ang timpla natin,” saad pa nito.
“As time goes by, nag-iiba ‘yung takbo ng utak ng bawat tao. Kayo, tanungin n’yo ang sarili n’yo, lahat ba ng sinasabi n’yo napapanindigan n’yo?
“Siyempre hindi naman, ‘di ba? May mga pagkakataon na ‘yung paninindigan natin, kailangang baliin para sa ikabubuti ng majority,” dagdag pa nito.
Madala nga kaya si Raffy Tulfo sa senado ng milyung-milyong subscriber niya?