Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NAPAKAGANDA ng sagot ni Sen. Loren Legarda sa tanong sa kanya kung ano ang masasabi niya na ang mga nag-iindorso sa kanyang running mate na si Manny Villar ay mga babaero.
“Hindi ako manghuhusga sa kanila,” ani Legarda sa forum ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Ang mga nag-iindorso kay Villar ay si world box champion Manny Pacquiao, ang aktor na komedyante na si Dolphy at sikat na TV host na si Willie Revillame.
Kung babaero man sila Pacquiao, Dolphy at Revillame ay wala sa isyu.
Aber, sino ba ang naging sikat na Pinoy na hindi nambabae kahit minsan?
Kahit na ilang obispo’t pari ay nambabae. Meron isang arsobispo, na ngayon ay semi-retired, na may anak na dalawa. Isang obispo naman ay inanakan ang kanyang sekretarya, at isa pang obispo ay may iskandalosong relasyon sa may asawang parishioner.
May mga pari na may mga itinatagong mga tsiks na dati ay nangungumpisal sa kanila.
Sabi pa ni Msgr. Pedro Quitorio, CBCP media director, bakit daw pipiliin ang kandidato na immoral kung ang pakay natin ay pagtatatag ng bansa.
Sus, si Monsignor naman, parang hindi alam na marami sa kanyang mga kasamahan na immoral!
Nakalimutan na yata ng magaling na monsignor na kahit na si Jesus ay nagsabi sa mga taong babatuhin na sana ang isang bayarang babae na kung sino yung walang kasalanan ang siyang pumukol ng unang bato.
Kaya’t huwag kang maghusga, Monsignor!
Ibig sabihin, huwag maging ipokrito.
* * *
Kawawa naman si Gibo Teodoro na presidential candidate ng Lakas-Kampi-CMD.
Marami nang nagsilayasan sa kanyang partido at pumunta na sa Nacionalista Party o Liberal Party.
Isa sa mga lumayas kay Teodoro ay si Gov. Joey Salceda ng Albay na economic adviser ng Pangulong Gloria.
Malaking dagok ang pag-alis ni Salceda sa Lakas-Kampi-CMD.
Kung ikaw ay isang politiko, mahirap mong ipagtanggol ang mga kapalpakan at pagnanakaw sa bayan na ginawa ni Pangulong Gloria na hepe ng Lakas.
Kaya’t ano ang iyong gagawin upang magkaroon ka ng fighting chance na maiboto? Siyempre, lilisanin mo ang Lakas.
Ganoon nga ang ginagawa ng karamihang miyembro ng Lakas.
Humina na ang Lakas dahil sa pagbabalimbing ng maraming miyembro nito.
* * *
Kung naniniwala kayo sa karma, hindi kataka-taka ang nangyayari kay Teodoro.
Di ba nilisan niya ang National People’s Coalition (NPC) na pinamumunuan ng kanyang tiyuhin na si Danding Cojuangco?
Si Danding ang nag-alaga kay Teodoro, Naging sikat si Gibo dahil kay Danding.
Pero nilayasan niya ang kanyang tiyuhin dahil sumali siya sa Lakas.
Kung ano ang ginawa mo sa kapwa ay gagawin din sa iyo.
Bandera, 041510