Chavit sa banggaan nila ng anak sa 2022: Ang tatay ang magtuturo sa anak, hindi anak ang magtuturo sa tatay…

Chavit Singson

MAINIT na pinag-uusapan ngayon ang inaasahang pagtutunggali ng mag-amang sina dating Ilocos Sur  governor at LMP President Luis Chavit Singson at outgoing Gov. Ryan Singson sa 2022 elections.

Maglalaban sa pagka-bise gobernador sa lalawigan ng Ilocos Sur ang magtatay at magkakaiba ang reaksyon ng madlang pipol hinggil dito.

Biyernes ng umaga (Oct.1), unang nag-file ng candidacy si Gov. Ryan Singson para tumakbong vice-governor kasama ang kanyang maybahay na si Patch Savellano Singson na tatakbo namang governor habang ang kanyang father-in-law namang si Cong. Deogracias Victor Savellano ay tatakbo uling congressman ng first district nang probinsiya. Sila ay sinamahan ng aktres at maybahay ni DV na si Dina Bonnevie. 

Kasunod namang nag-file ng COC si Mayor Chavit para sa pagka-vice-governor, si incumbent Vice-Governor Jerry Singson sa pagiging governor, at si Ronald Singson for congressman.

Iba-iba nga ang opinyon ng mga netizens hinggil dito, may mga nagkomento na tila naging family business na raw ang politika para sa mga Singson dahil sigurado na ang panalo ng pamilya kahit sino pa ang lumaban sa kanila. 

Meron ding bumabatikos dahil bakit daw kailangang mag-ama ang maglalaban sa puwesto, pero kung susuriing mabuti ang sitwasyon, hindi lang daw ang puwesto nang pagka-bise gobernador ang dapat paglabanan. 

Para kay dating Gov. Chavit Singson, may mas malalim na dahilan kung bakit kailangan niyang labanan ang anak sapagkat ang una raw niyang plano ay siya muna ang tatakbong gobernador. Nakapag-usap na raw silang mag-ama bago mag-file ng COC.

“Si Ryan, yung anak ko, tinulungan ko noong araw hanggang three terms. Full ang suporta ko, binuild up ko siya, eh, ngayon, graduating. Hindi na siya puwedeng tumakbo. Sabi ko, ako na mag-governor muna. Nakiusap na siya ang vice governor. Titingnan ko kako kasi yung kapatid ko may isa pang term, gusto niyang palitan. 

“Anyway, titingnan ko kako kung maaayos ko, maski hindi na ako tatakbo kako. Eh, gusto naman niya, asawa niya governor, siya ang vice-governor at father in-law niya ang congressman. Either congressman ang asawa niya or governor. Di naman puwedeng ganoon kako. 

“So hanggang last minute, nag-antay ako para maayos lahat. Pero ako handang mag-sacrifice. Puwede na akong hindi tumakbong governor. Noong bandang huli, kinausap nila lahat ng mayors, of course sabi naman nila majority of them, kung ano ang sabihin ni Gov. Chavit, doon pa rin kami.

“So they tried, pinuntahan lahat ang mayors hanggang last minute ganoon pa rin. Ang ginawa niya, nag-file muna siya ng COC for vice-governor, nag-file yung asawa niya for governor, nag-file yung father niya for congressman,” kuwento ng LMP mayor. 

Patuloy pa niya, “Parang gusto nila akong banggain. Ako, pinapalabanan niya sa asawa niya, eh, napakadali ko naman talunin ang asawa niya. So ako, nagpahabol ako ng COC na vice-governor na lang. Kami na lang maglaban. Pinapatapatan niya ako, tinapatan ko na rin. So ayon ang nangyari.”

Sabi pa ni Gov. Chavit, nalulungkot siya sa nangyari sa kanilang mag-ama pero kailangan niyang  magdesisyon para sa ikakabuti ng nakakarami. Nasasaktan siya dahil iniisip niyang pinalaki niya ang kanyang anak at pagkatapos ay lalabanan siya. Napakahirap daw nito para sa kanya. 

Sabi pa ni Singson, ang tatay daw ang magtuturo sa anak at hindi anak ang magtuturo sa tatay. Hirit pa niya, “10 lang ang utos ng Panginoon at ang ikalima, ‘Honor your mother and father.'”

Read more...