PASABOG ang debut ni Maja Salvador bilang newest “Eat Bulaga” Dabarkads ngayong Sabado, Oktubre 2.
Kabog na kabog ang naging production number ng aktres kung saan sinayaw niya ang iba’t ibang dance craze tulad ng “Macarena”, “MMMBop”, at “Lick It”.
Siya na rin ang nagsisilbing host ng pinakabagong segment ng longest running noontime show na “DC 2021” kung saan magkakaroon ng feature ng mga classic dance hits.
Amin ni Maja, bata pa lang ay hilig na niyang panoorin ang “Eat Bulaga” at isa pa, laking Aparri pala ang aktres.
“Sa mga hindi po nakakaalam, e, laking-Aparri talaga ako.
“Noong ipinanganak ako after ilang buwan, inuwi ako sa Aparri ng nanay ko, ‘tapos doon namulat ang aking mga mata sa Eat Bulaga!” kuwento ng dalaga.
Ang naturang show rin daw ang naging dahilan ng pagkahilig niya sa pagsasayaw dahil madalas niyang mapanood ang Streetboys.
Dagdag pa niya, kamuntikan na raw siyang isali ng kaniyang ina sa “Little Miss Philippines”.
“Siyempre, walang budget papuntang Manila kaya nag-Miss Abulug na lang ako! Lahat po ng ating Dabarkads diyan sa Aparri, hello po,” bati ng aktres.
Sobra talaga ang saya ng aktres dahil noon ay viewer lang at ngayon nga ay parte na siya ng programa.
Chika rin niya na ang kaniyang ina ang pinakamasaya sa kaniyang desisyon na maging bahagi ng “Eat Bulaga”.
Aniya, namimiss na raw kasi nitong mapanood ang anak na sumasayaw. At ngayong birthday ng ina ay ang pagiging parte ng show na raw ang regalo niya.
“Ang tagal na rin kasi, so sabi ko, ‘Ma, kinukuha ako ng Eat Bulaga!, parang, di ba, nanonood lang tayo ‘tapos ngayon magiging parte na ako ng Dabarkads,” sey ng aktres.
Setyembre 25 nang unang magkaroon ng usap-usapang papasok si Maja sa “Eat Bulaga” matapos maglabas ng teaser ukol sa bagong segment na unang tinawag bilang “Maximum Sayawan”.