Barahang pulitika ng mga kandidato, mabibilad na

Ngayong 8am, unang magsusumite ng Certificate of Candidacy (COC)  sa Harbor Garden Tent-Sofitel  si Senator Manny Pacquiao bilang kandidato ng PDP-LABAN (Pimentel Wing), hindi naman sinabi kung meron siyang “vice presidential candidate. Pagdating ng Lunes, October 4, si Manila Mayor Isko Moreno, kasama si Dr. Willie Ong  ang susunod na maghaharap ng COC sa  partido Aksyon Demokratiko. Sina Senators Ping Lacson at Tito Sotto ay nagpahayag na sa Miyerkules , October 6 , sila magtutungo ng Comelec para sa COC.  Si Vice President Leni Robredo na pormal na inendorso ng 1Sambayan, ay balak na sa last minute o sa Biyernes magpasya kung tatakbo o hindi. Tahimik naman ang kampo ni ex-senator Bongbong Marcos kung kailan siya magsusumite ng COC kahit pormal na siyang hinirang na presidentiable ng loyalist party niyang KBL.  Walang balita kung kailan maghahain sina Senator Grace Poe, Senator Richard Gordon, dating House Speaker Alan Peter Cayetano at si ex-senator Antonio Trillanes o kung seryoso ba sila sa pagkapangulo.

Pero lalong lumiyab  ang mga ispekulasyon, dahil itong  si Davao Mayor Sara Duterte ay  nag-file ng misteryosong ”medical leave” mula October 5 hanggang October 8 na kasabay ng deadline ng COMELEC. Noong Abril 6-10, nag-leave din si Mayor Sara at nagtungo ng Singapore dahil sa “personal health reasons”.  Magsusumite ba siya ng COC sa pagkapangulo lalot lumabas ang latest Pulse Asia survey na siya ang nangungunang kandidato sa pagka-presidente. “Salamat” lang ang sinabi nito, ayon sa kanyang spokeswoman na si Liloan Mayor Christina Frasco.

Aabangan din sa susunod na araw kung talagang seryosong magsusumite ng  kanyang COC naman bilang vice presidential candidate ng PDP-Laban si Pangulong Duterte. Magiging “bise presidente” rin ba ni Sara si Senador Bong Go o si Bongbong?

At dahil nakabitin lahat ng pangyayari, tumitindi ang kalituhan ngayon. Hindi pa talaga malaman kung sino ang mga pinal na kandidato sa ulo ng administrasyon, oposisyon sa pagka-Presidente, Bise Presidente at kung aling partido.

Hindi malinaw sa PDP-LABAN dahil sa dalawang paksyon ang  lulutasin pa ng COMELEC. Nakanganganga at naghihintay kay Sara ang malalaking partido  ng NP ng mga Villar, Natinalist Peoples Coalition (NPC), LDP ng mga Angara, NUP ni Businessman Enrique Razon at Ex-Dilg Sec. Ronnie Puno, LAKAS-NUCD ni PGMA, Pwersa ng Masang Pilipino ng mga Estrada at PRP ni late Sen. Miriam Defensor kung tuloy ba o hindi ang kanilang  koalisyon sa Hugpong ng Pagbabago. Sinabi kasi ni Sara na hindi na siya tatakbo sa pagka-Pangulo at babalik na lamang bilang mayor ng Davao city.

Dahil dito, naghalong kalamay o basket ng mga palaka ang mga pulitiko lalo’t 7 araw o isang linggo ang palugit para magsumite ng COC. Kapag wala pa silang partido hanggang sa susunod na Biyernes, magiging independent sila o walang watcher sa mga presinto. Kaya nakikita natin ang  lundagan, lipatan, palitan ng kulay-hunyango ang kandidato at  partido kung saan sila makikinabang ng husto.  Liberal papuntang Aksyon Demokratiko ni Isko o kaya’y Reporma ni Senator Ping Lacson. Ang ibang  Nacionalista tumalon sa NUP, iba naman  papunta ng LAKAS-NUCD samantalang merong nagpaplano sa “last minute” at babantayan ang desisyon ng COMELEC sa PDP-LABAN, kasama na rin kung anong COC ang isusumite ni Sara Duterte kung Mayor ba o Presidente sa ilalim ng Hugpong ng pagbabago..

Marahil pati kayo hilong hilo na sa mga pulitikong ito. Tandaan natin na ito ang tamang  pagkakataon upang itapon natin sa kangkungan ang mga kandidatong  walang ginawa kundi bolahin tayo at kapag nakapwesto ay napakatakaw pala sa “pork barrel”, “tamad magtrabaho” , drowing lang ang malasakit at nagpapakita lang tuwing kampanya.

Huwag tayong pasilaw sa malaking angkan ng mga pulitiko, sikat na mga pangalan, maging mayaman, artista o nasa media. Oo nga, ang iba diyan matagal at kilala nang pulitiko , pero nakinabang ba tayo o sila lang ang nagpasasasa?

Sa totoo lang, ang daan-daang milyong pisong gagastusin ng mga kandidatong ito  sa kampanya ay sa ating buwis at pawis din nila babawiin!

Read more...