Michael V sa darating na eleksyon: Sana this time, utak at puso ang gumana

MICHAEL V

NGAYONG araw dapat ang nakatakdang pagtatapos ng voter registration kaya isang malaking balita na magkakaroon ng extension para ng pagpaparehistro lalo na’t nalalapit na ang susunod na eleksyon.

Marami na rin sa mga celebrities ang nanindigan at nanghikayat sa publiko na huwag aksayahin ang pagkakataon na magparehistro para makaboto sa 2022 elections.

Isa na nga dito ang beteranong komedyante at aktor na si Michael V.

Sa kaniyang Facebook account, nag-post si Bitoy ng tula na tila panawagan sa madlang pipol.

“We’ve been through the age of unfair elections.

Madalas, ang ending, sangkatutak na objections.

Umaabot sa People Power o kaya sa impeachment.

Kasi ‘yung nanalo e wala namang commitment,” umpisa niya sa kaniyang tula.

“Sa gitna ng pandemic meron pa ring nagpa-rehistro.

Hoping pa rin tayo na may isang kandidato

Na ‘pag naka-puwesto e hindi mang-aabuso.

Na ang uunahin e kapakanan ng tao.

“Wala naman akong balak makipagtalo.

Iboto n’yo na lang kung sino ang gusto n’yo.

‘Yung iba sa inyo nagpa-silaw na sa pera

Pero this time sana, utak at puso ang gumana,” pagpapatuloy nito.

Tila may patutsada rin ang komedyante sa mga netizens na “puro” reklamo at sinasabing walang dating ang mga hinaing nila kung hindi naman sila bumoboto.

Sey pa niya, “Kasi ang hindi bumoto, walang karapatang mag-reklamo.”

Mukhang may pinatatamaan rin ito sa mga sumunod niyang linya.

Aniya, alam na raw niya na may mga magbibigay ng ibang kulay at kahulugan sa kaniyang tula lalo na’t wala itong binanggit na kandidato. Hirit pa niya, tigil-tigilan daw siya ng mga ito.

“Ilang presidente pa ang gusto mong manloko?

Ilang eleks’yon nang parang walang pagbabago?

‘Wag na tayong magpa-uto! ‘Wag na tayong magpa-gago!

Para hindi naman sana masayang ang boto,” payo niya sa madlang pipol.

‘Wag sayangin ang pagkakataon na maging parte ng inaasam na pagbabago, madlang pipol. Extended na ang voter registration mula October 11 hanggang October 30, 2021.

Read more...