Ai Ai delas Alas at Gerald Sibayan
ITUTULOY na ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas ang matagal na niyang plano na manirahan nang matagal-tagal sa Amerika kasama ang asawang si Gerald Sibayan at ang kanyang mga anak.
Ito ang kinumpirma ng Kapuso comedienne sa nakaraang virtual mediacon ng season 4 ng reality singing search ng GMA 7 na “The Clash.”
Right after daw ng bagong season ng “The Clash” ay balak na niyang magtungo sa US para doon muna manirahan, ito’y sa kabila nga ng magaganda pang proyekto na inilalaan sa kanya ng Kapuso Network.
Kuwento ng isa sa miyembro ng The Clash Panel, nais muna niyang asikasuhin nang bonggang-bongga ang kanyang US citizenship dahil balak nga niyang i-petition si Gerald.
“Yung The Clash, yun parati ang uuwian ko in case. Kasi siyempre, sa buhay natin, di ba? Kagaya ni Golden, minsan may priority ka rin,” simulang paliwanag ng veteran comedienne na ang tinutukoy na Golden ay ang “The Clash” Season 1 champion na si Golden Cañedo.
Pansamantala muna kasing iniwan ng dalaga ang kanyang showbiz career para ipagpatuloy ang pag-aaral niya sa Cebu.
Pero pangako naman ni Ai Ai, “Babalik naman ako rito, kasi yung nanay ko matanda na, so bibisitahin ko.
“Sa totoo lang, ngayon pa lang ako magiging may asawa, na ang priority ko si Gerald. Bukod sa ipe-petition ko siya, kailangan niya din ng kasama du’n sa Amerika.
“Alangan namang nandito ako, nandu’n siya. Dyusko, bakit pa kami naging mag-asawa?
“Saka kasi, ngayon lang din ako magpu-full blast ng green card ko. 2015 pa kasi yung green card ko. So, kung bibilangin mo nu’ng 2020, five years na ako, dapat citizen na ako.
“So, ngayon ko siya talaga bubunuin. Kasi, binigyan naman ako ni Lord ng pagkakataong magkaroon ng green card, tapos sasayangin ko lang? So, gagawan ko siya ng paraan ngayon,” lahad pa ni Ms. Ai.
Natanong din sa kanya kung posible bang i-try nila ni Gerald sa Amerika na magkaanak sa pamamagitan ng surrogacy, “Oo, lahat ‘yan, planado na sa gagawin namin sa Amerika. So, yun lang.
“Prayers lang and every day na hope na lahat na ‘to ay magiging maganda. Pray-pray lang kay Lord,” aniya pa.
Samantala, magsisimula na ang patalbugan ng napiling Top 30 Clashers sa Season 4 ng “The Clash” sa Oct. 2, Saturday, 7:15 p.m. sa GMA. Makakasama muli ni Ai Ai bilang judge sina Lani Misalucha at Christian Bautista.
Magbabalik din sina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose bilang hosts with Rita Daniela and Ken Chan as Journey Hosts.
The Top 30 contenders for “The Clash” will be sharing their stories and voices as they fight to become the next grand champion.