Coco: Sa lahat ng mga ka-Probinsyano salamat sa 6 na taong pagsama sa laban ni Cardo

Coco Martin at Susan Roces

BUONG pwersang ginunita ng cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa pangunguna nina Julia Montes at Coco Martin ang ikaanim na anibersaryo ng pag-ere ng unang episode ng longest-running action drama series sa bansa kahapon.

“Maraming, maraming salamat sa lahat ng Pilipino sa buong mundo na hanggang ngayon ay sumusubaybay at sumusuporta sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano.’ Happy sixth anniversary, mga Kapamilya!” pahayag ng cast sa isang video na inilabas ng Dreamscape Entertainment.

Pinasalamatan naman ni Coco ang viewers at ang lahat ng mga bumubuo sa programa. Aniya, “Sa lahat ng aming mga ka-Probinsyano saan mang sulok ng mundo, maraming, maraming salamat po sa anim na taong pagsama ninyo sa laban ni Cardo.

“Sa lahat ng bumubuo ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ mula sa staff, crew, actors, directors, at sa lahat ng mga boss ng ABS-CBN, kami po’y nagpapasalamat sa lahat ng pagmamahal niyo. Maraming maraming salamat po,” aniya pa.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Susan Roces at nagsabing, “Sa loob ng anim na taon, masaya ako na naging parte ako ng pamilyang ito. 

“Para sa lahat ng mga ka-Probinsyano, maraming maraming salamat sa pagtangkilik ninyo, sa pagtulong ninyo, sa pagmamahal ninyo. Pinagbuklod tayong lahat bilang isang pamilya – sa isip, sa puso, at sa gawa. Happy happy sixth anniversary,” mensahe pa ng movie queen na gumaganap na lola ni Coco sa serye.

Tinawag naman ni Angel Aquino na pangalawang pamilya ang show at nagsabi sa kanyang post na, “To my little brother and our great leader @cocomartin_ph and our father and protector @deo_endrinal, thank you for giving me the opportunity to belong in the most important show on television.

“A big show comes with big hurdles but we manage to stay strong and tight and unbreakable because we have you and our Tita Cory (Vidanes) and all our viewers and supporters who never give up on us. Mga ka-Probinsyano, maraming salamat at mahal namin kayo! Sama sama tayo hanggang sa dulo!”

Kanya-kanya ring nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa kani-kanilang social media accounts ang ibang co-stars gaya nina Lorna Tolentino, Rosanna Roces, John Estrada, John Arcilla, Rowell Santiago, Joseph Marco, John Prats, Geoff Eigenmann, at marami pang iba.

Sa pagpapatuloy naman ng bagong yugto ng serye ngayong linggo, mas mahihirapan si Cardo (Coco) at ang Task Force Agila na magtago mula sa mga otoridad dahil ang pangalan niya ang idadawit ni Arturo (Tirso Cruz III) sa pagkakapaslang ng Black Ops kay Jacob (Marc Abaya), ang isa sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Renato (John Arcilla).

Patuloy namang umiinit ang agawan ng kapangyarihan nina Renato at Lily (Lorna) sa Palasyo dahil hanggang ngayon ay sinusubukan nilang hanapin si Presidente Oscar bago ito makarating kay Cardo.

Sa nakalipas na anim na taon, naghari ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa puso ng mga manonood at nagkamit din ng higit sa 100 awards mula sa iba’t ibang award-giving bodies.

Mula sa telebisyon, kinapitan ng mga Pilipino ang kwento ni Cardo hanggang sa digital noong ito ang maging unang Pinoy teleserye na ipinalabas sa YouTube, kung saan paulit-ulit nitong sinira ang sarili nitong viewership record na umabot sa all-time high na 162,831 concurrent viewers.

Huwag palampasin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel at iba pang platforms ng ABS-CBN.

Read more...