MAPAPANOOD ng mga “Kapamilya” at “Kapuso” ang 2021 Miss Universe Philippines pageant dahil ipalalabas ito sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN at GMA.
Maaaring mapanood ang coronation night sa streaming platform ng ABS-CBN na ktx.ph sa Set. 30, alas-7 ng gabi at ipalalabas din ito sa iba pang ABS-CBN digital platforms tulad ng iWantTFC, ABS-CBN Entertainment YouTube Channel at TFC IPTV.
Samantala, magkakaroon naman ito ng delayed telecast sa GMA sa Okt. 3, alas-9 ng umaga. Mapapanood din dito ang mga eksklusibong panayam sa judges at sa tatanghaling Miss Universe Philippines 2021.
Inihayag din ng Miss Universe Philippines (MUP) organization sa social media accounts nito na may dalawa pang titulong igagawad maiban sa pinakamahalagang Miss Universe Philippines — ang Miss Universe Philippines Tourism at Miss Universe Philippines Charity at dalawang runner-up.
Ngunit nilinaw ng MUPH na walang sasalihang international pageant ang tatanggap ng dalawang bagong titulo.
“The promotion of tourism and involvement in charity are two pillars that [MUPH] champion. By having individual queens focused on these, we can further our cause,” nakasaad sa social media post.
Dagdag pa nito, “Should the Miss Universe Philippines 2021 be unable to fulfill her obligations, the MUPH Tourism will take over.”
Idaraos ang 2021 Miss Universe Philippines coronation night sa Hennan Resort Alona Beach sa Bohol.
Magbabalik bilang host si KC Montero, habang magtatanghal naman sina Sam Concepcion at Michael Pangilinan.
Isasalin ng bagong Kapusong si Rabiya Mateo ang korona niya bilang Miss Universe Philippines sa bagong reyna, na kakatawan sa ika-70 edisyon ng Miss Universe sa Israel sa darating na Disyembre.