Julia Montes at Coco Martin
MAGANDANG halimbawa sa mga kababayan nating Filipino ang ginagawang pagpaparehistro ngayon ng mga kilalang celebrities sa Commission on Elections (COMELEC).
Ito’y para makaboto nga sa darating na May, 2022 elections kung saan boboto na naman ng bagong presidente at bise-presidente ang sambayanan na papalit kina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice-President Leni Robredo.
Ang latest nga na nadagdag sa listahan ng mga rehistrado nang artista ay ang rumored Kapamilya couple na sina Coco Martin at Julia Montes.
Magkasabay na nagparehistro sina Julia at Coco base na rin sa isang Instagram post ng aktres na parehong nakasuot ng jacket at face mask.
Sa video na ibinahagi ni Julia sa IG ay makikita ang ilang litrato nila ni Coco na kuha habang nagpaparehistro sila sa isang kilalang shopping mall.
“Somewhere inside of all of us is the power to change the world — Roald Dahl,” ang inilagay ng caption ni Julia sa kanyang post gamit ang mga hashtag na #BotoPilipinas at #MagparehistroKa.
Kasunod nito, nanawagan din ang rumored girlfriend ni Coco sa kanilang mga tagasuporta na maglaan din ng panahon para makapagparehistro para makaboto sa Eleksyon 2022 at maihalal ang mga kandidatong karapat-dapat mamuno sa bansa.
Bukod kina Julia at Coco, nakapagparehistro na rin nitong nagdaang araw ang mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.
“Parehistro na po ang mga hindi pa nagreregister… Let’s all UNITE and VOTE,” sabi ni Juday sa kanyang Instagram post.
Sabi naman ng “Eat Bulaga” host na si Ryan, “The first step in making sure our voice is heard. You have till Thursday. Head out and register.”
Ito naman ang naging mensahe ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano matapos magparehistro, “Voter registration ends soon! I’m finally registered. Thanks to the Antipolo government for all the support!
“Every vote counts my friend. Let’s do our part in choosing our next set of leaders. I am praying for wisdom and discernment for all of the voters and for the leaders of our country,” aniya pa.
Ilan lamang sila sa mga celebrities na talagang naglaan ng oras para makapagparehistro at para makaboto sa 2022.
Yung iba ay pumila pa nang madaling araw para mabilis na matapos at hindi na magtagal sa labas bilang pag-iingat na rin sa COVID-19, tulad ng Kapuso star na si Barbie Forteza.
“Nagsimulang pumila ng 4AM at ngayon ay rehistrado na ko! Pwede pa pong humabol sa pagpaparehistro para makaboto!” ang caption ng dalaga sa kanyang IG post.