Madam Inutz online seller noon, certified recording artist na ngayon; Salamat Sir Wil!

Madam Inutz at Wilbert Tolentino

BONGGA! Certified recording artist na ngayon ang social media sensation na si Madam Inutz o Daisy Lopez sa tunay na buhay. 

Siya ang kumanta ng hit na hit na ngayong novelty song na “Inutil” na ginagamit na rin sa mga dance challenge sa social media.

Ang kilalang socmef influencer, former Mr. Gay World titlist, businessman at philanthropist na si Wilbert Tolentino ang nagsilbing tulay para maging singer na rin si Madam Inutz.

Aminado si Madam Inutz na mula sa kanyang pag-uukay-ukay, sa tulong ni Wilbert ay naging ganap na siyang recording artist.

Nagpahayag ng pagkabilib si Wilbert o Kuya Wil sa talent ng kanyang alaga. Aniya, “Meron siyang uniqueraspy voice. Bagay sa kanya ang mga novelty, rap, hiphop, rock, lalung-lalo ang mga tunog kalye. 

“Bagay sa kanya ang mga istilo nina Sampaguita, ng Aegis, o ng Up Dharma Down.

“Mabilis niyang natutunan ang mga melody ng kanta at kaya niyang baguhin ang atake ayon sa kanyang style. Sobrang professional at walang reklamo sa oras, kahit inabot ng madaling araw sa pag-shoot ng music video,” sabi ni Kuya Wil.

Paano niya ide-describe ang kanta? “Ang kanta na ito ay introduction ng buhay niya bilang isang Madam Inutz. Kung sino ba siya at paano siya nagsimula,” sabi ng talent manager.

Bakit ito ang naisipan niyang maging single ni Madam? “Kasi pasok sa pagkatao niya at sa kanyang boses. Higit sa lahat, pangmasa. Madali rin itong sayawin, madaling kantahin plus, mahalaga na catchy talaga ang song.”

Mapapakinggan ang kantang “Inutil” na isinulat ni Ryan Soto sa Spotify, Apple Music, Amazon Music, Deezer, Tidal, Vevo, Tiktok, Youtube Music, Beatport, Instagram, Snapchat, Twitch, Shazam, iTunes, Facebook at iTunesRadio.

Ano ang ginawang preparasyon ni Madam Inutz sa pagre-record ng kanyang debut single na ang lyrics ay ayon mismo sa kanyang buhay at pagkatao?

“Pinag-aralan ko muna ang lyrics. Sinuri kong mabuti bawat linya, kung sa tingin ko’y aangkop sa aking pagkatao. Tapos, pinakinggan ko ang melody sa demo nang paulit-ulit. Hanggang sa makabisado ko.

“Ilang araw din akong hindi uminom ng malamig na tubig at binawasan ang pagsigaw sa online selling para makondisyon ang boses ko. Dahil ang kanta ay may kaunting pagsigaw at kailangan ng energy.

“Hindi naman ako nahirapan sa kanta dahil sa umpisa pa lang, naisaulo ko na ito.Umabot lang kami ng mahigit dalawang oras sa recording,”  aniya pa.

Ano ang masasabi niya kay Wilbert na binigyan siya ng bagong career bilang singer? “Laking pasasalamat ko sa pagkakataong ibinigay sa akin na magkaroon ng debut single sa edad kong ito. Ha-hahaha! 

“Sa dinami-rami ng mga mas bata sa akin na nangangarap maging isang recording artist at may sariling music video, ako pa ang napili ng tadhana. Sa tulong ito ng aking one and only manager na si Sir Wilbert,” sey pa ni Madam Inutz.

Aminado rin si Madam Inutz na never sumagi sa isip niya na magiging recording artist siya, “No, hindi! Sa totoo lang, hindi sumagi sa isip ko na sisikat sa pagmumura online. 

“Kasi ang alam ko lang, magtinda ng ukay-ukay online para lang may pambayad sa upa at panggamot sa nanay ko na na-stroke at five years nang bedridden. 

“Pero may dumating na anghel sa buhay ko at binigyan ako ng opportunity na maging singer at recortding artist. Siyempre, hindi ko tatanggihan ang grasyang ito.”

Ano pa ang mga plano at projects ni Sir Wil kay Madam Inutz? “Dahil masunurin si Madam Inutz at hindi naging pasaway, nakikinig siya sa mga advices at instructions para sa ikabubuti ng lahat, sa loob man o labas ng showbiz…gusto kong maging brand ambassador ng mga online sellers si Madam Inutz.

“Gusto ko siyang maging negosyante at turuan ng entrepreneurship para umusbong ang kanyang online business. Bukod sa pagiging recording artist, siyempre gusto ko rin na siya’y maging expose sa showbiz at ma-experience ang pag-aartista!”

Para sa inquiries tumawag lang sa 09175INUTIL/09175468845.

Read more...