Raffy Tulfo nalagasan ng libu-libong subscribers sa YouTube, dahil nga kaya sa pagkanta sa ASAP?

Raffy Tulfo holding a microphone

IMBES na madagdagan, bakit nabawasan pa ang subscribers ni Raffy Tulfo sa kanyang YouTube channel?

Ang tinaguriang Pambansang Sumbungan ng Bayan ay may mahigit 22 million followers sa YT noong huli naming i-check matapos naming marinig sa “Cristy Ferminute” program ni Nay Cristy Fermin kasama si Rommel Chika na kakandidato siyang senador.

Nagpaalam na raw si Raffy sa TV5 management na hanggang katapusan na lang siya ngayong buwan ng Setyembre base pa rin sa sinabi ni Nay Cristy pero hindi pa binanggit ang dahilan.

Ilang araw nang maingay sa social media na kakandidatong senador si Raffy at nasa tiket daw nina Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto na tatakbong Presidente at Bise Presidente ng Pilipinas respectively sa 2022.

May nagsabi sa amin na sa ginawa raw ni Raffy ay maraming die hard DDS ang nag-unsubscribe sa kanyang YT channel. Sinilip namin ito habang sinusulat ang balitang ito at totoo nga dahil ang dating 22 million ay naging 21.8 million followers na lang.

Sa madaling salita, mahigit 200,000 ang umalis na at posibleng madagdagan pa — ganu’n kabilis, agad-agad?

Isa pang nag-trigger sa mga DDS  ay nang mag-guest si Raffy sa “ASAP Natin ‘To” noong Set. 20 kung saan nakasama niyang kumanta sina Nina at Zsa Zsa Padilla sa awiting “Kung Kailangan Mo Ako” na nag-trending pa.

Nang makapanayam nina Gary Valenciano at Zsa Zsa ang man of the hour ng mga oras na iyon ay tinanong siya kung anong pakiramdam na nasa “ASAP” siya at kasamang nag-perform.

Aniya, “Very overwhelming dati-rati kasi pinapanood ko lang kayo, ngayon nandito na ako kaya parang hindi kapani-paniwala.”

Sinabihan naman siya ni Zsa Zsa ng, “May pagka-shy pala kayo kasi kanina pa kami tumitingin sa inyo para magi-interact sa inyo, eh.”

“Parang akala ko pinapa-Tulfo na ako, eh,” natatawa namang sagot ng TV host.

Samantala, tinanong naman ni Gary si Raffy kung ano ang mensahe nito sa lahat ng nanonood sa kanila ng araw na iyon.

“Mga Kapatid, nandito na ako sa Kapamilya okay din dito.  Magsama-sama na tayo para lalong lumakas an gating puwersa,” pag-imbita ni Raffy sa viewers ng Kapamilya network.

At nang mapagkuwentuhan nina Raffy at ng co-host niya sa programa niya sa radyo kinabukasan, Lunes, Set. 20 ay napag-usapan nga nila ang guesting niya sa “ASAP” at nabanggit ng una na nakita niyang malulungkot ang mga tao roon na dati-rati’y masasaya dahil dati naman na siyang nagi-guest doon.

“Dati rati nagge-guest na ako sa ABS-CBN noon pa, maraming taong masaya pero ngayon malulungkot sila.

“Wag kayong malungkot dahil (sabay bilang sa mga daliri) ‘yan na lang (walong daliri) or pwede natin sabihing 9, 10, 10 months kasi 10,000 kasing nawalan ng trabaho. Kung puwedeng baka sabihin ni Lord, ‘sige 10 months okay na ulit,” sabi ni Raffy.

Sabay tanong sa co-host kung bakit tumatawa, “Wala Idol masaya ako sa 10 months na ‘yan.”

“Sa 10 months na ‘yan, malay mo magbabanggaan ‘yung 16 million versus 42 million subscribers. Na gets mo? Kung i-combine mo pa baka 50 million ano versus 16 million? Alin mas marami doon?”

Malinaw na hindi nagustuhan ng DDS ang pahayag na ito ni Raffy dahil matatandaang hindi binigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

Read more...