Rabiya Mateo
NA-OFFEND at nabastusan ang reigning Miss Universe Philippines 2020 na si Rabiya Mateo sa inilabas na news item ng isang Iloilo-based media company kamakailan.
Dahil dito, mabilis na umaksyon ang legal at management team ng beauty queen at humingi ng public apology mula sa nasabing media organization.
Kinuwestiyon ng kampo ni Rabiya ang intensyon at motibo nito sa paglalabas ng online quote card kung saan pinalalabas umano na “sugar daddy” ang hanap ng dalaga base sa nakaraang guesting nito sa Kapuso comedy show na “The Boobay And Tekla Show.”
Ayon sa inilabas na official statement ng legal counsel ni Rabiya na si Ralph Calinisan, hindi maganda sa panlasa ang inilabas ng nasabing media company.
Ang nakalagay sa quote card, “Three years ‘yung (age gap namin ng) ex ko pero nakipag-date din ako sa seven years ‘yung gap namin. Wala akong dad so siguro ‘yung hinahanap ko sa relationship is somebody na mag-aalaga sa ‘kin. Tatay pala talaga ‘yung hinahanap.”
Sabi ng abogado ni Rabiya, “It need not be said that the mood during the whole program was light, comical, and funny. Thus, the quote that was used in the infographic was clearly taken out of context. It is malicious. It is libelous.
“They slanted our client’s comments and made it appear that our client’s comments, particularly the last quoted portion, is a snapshot of the truth, when they were obviously made in jest. Nagkakatuwaan lang po sila sa interview.
“…Hindi po sugar daddy ang hanap ng aming kliyente, kundi pag-aaruga lamang mula sa isang responsable at tapat na lalaki,” sabi pa nito.
Dagdag pa nito, “Let us be clear: no one has the right to objectify women and disparage their reputation. Women are there to be respected and loved.”
Binigyan ng kampo ng beauty queen ang nabanggit na media company hanggang Sept. 30 para sa pag-iisyu ng public apology “in all its media platforms as well as in a newspaper of general circulation.”
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na statement ang inireklamong kumpanya ni Rabiya. Ayon sa ulat, hinihintay pa nila ang official notification mula sa kampo ni Rabiya.
Bukas ang BANDERA sa gagawing paglilinaw ng nabanggit ng media organization.