Sunud-sunod na ang maniobra ng mga pulitiko at partido.
Nauna sina Senador Ping Lacson at Tito Sotto ng Partido Reporma. Ang PDP-laban Cusi faction may tambalang Senador Bong Go (tumanggi) at VP Candidate si President Duterte na tumanggap at pumirma na sa nominasyon. Ang epekto, umatras ang nangungunang si Davao Mayor Sara Duterte dahil isang Duterte lang daw ang lalaban sa nasyonal.
Nagdeklara rin sa pagka-Pangulo si Senador Manny Pacquiao sa kanyang paksyon sa PDP-Laban kahit wala siyang VP. Kung sino ang tunay na PDP-Laban ay pagpapasyahan ng COMELEC bago ang October 8.
Deklarado na si Manila Mayor Isko Moreno at sorpresang bise na si Dr. Willie Ong sa partidong Aksyon Demokratiko. Tinanggihan daw ni Senadora Grace Poe na maging VP ni Isko.
Si Vice President Leni Robredo naman ay magdedesisyon anytime pero, minamadali siya ni Ex Senator Antonio Trillanes upang siya na lang daw ang kumandidatong Presidente kung ayaw nito.
Si dating Senador BongBong Marcos ay magdedeklara sa pagka-Presidente sa ilalim ng KBL, pero may mga ugong na konektado ang kanyang desisyon sa mga Duterte. Ganoon din si Senador Richard Gordon, na tatakbo ring Pangulo sa partido niyang Bagumbayan.
Talagang mahirap basahin ang mga nangyayari. Una, dahil maaring magpalit ng mga kandidato ang mga partido hanggang November 15. Ikalawa, maaring umabot sa Korte Suprema ang desisyon ng Comelec sa PDP-Laban . At ikatlo, may aplikasyon na maging “national party” ang “Hugpong ng Pagbabago” ni Mayor Sara sa Comelec na dedesisyunan din sa susunod na araw.
Pero, tuwiran kong sasabihing malabo na ang “united opposition candidate”. Sariwa pa ang 2019 elections na pinulot sa kangkungan ang Otso Diretso kabilang ang malalaking pangalan, sina Mar Roxas, Bam Aquino, pati ang batikang si Serge Osmeña.
Aatras ba sina Lacson, Pacquiao,at Isko para kay VP Leni? May usapan din daw na iyong walang panalo sa survey ay aatras para suportahan ang pinakamalakas. Totoo kaya?
Sa kabilang dako, sino ba ang tunay na kandidato ni Presidente Duterte? Si Mayor Sara , Bong Go, taga-labas o taga-Luzon? Paano kung magtagal at Korte Suprema pa ang magresolba sa PDP-LABAN ? Paano na ang pinirmahan ni Duterte bilang kandidato sa pagka-Bise Presidente nito? Seryoso ba si Duterte o aatras din?
Masyadong kumplikado ang sitwasyon lalot nasa kamay ng Comelec ang lehitimong paksyon ng PDP-LABAN at pagiging “national party” ng Hugpong ng Pagbabago, koalisyon na nagpanalo ng walong senador noong 2019 polls. Kapag naging “national party” ang Hugpong, bukas na kay Mayor Sara ang pagka-presidente at kwestyon na lamang kung aatras si Presidente Duterte, at palitan ni Bong Go. Isa ring posibilidad na ituloy ni President Duterte ang pagka-bise Presidente sa ilalim ng PDP LABAN at suportahan ang kandidato niyang si Bongbong Marcos. Nakakahilo talaga.
Kaya naman, tabatsoy ngayon ang mga ispekulasyon. Umatras ang nangunguna sa survey na si Mayor Sara, kaya si Mayor Isko Moreno ang nakinabang at nangunguna ngayon. Malaking tulong ang di-pulitikong bise presidente niya na si Doc Willie Ong, na sikat sa social media. Merong 16M followers sa Facebook at 6.5M sa YouTube. Noong tumakbo siya noong 2019, meron siyang 10M FB followers at 7.6M ang bumoto sa kanya.
Kung titingnan ang 2016 elections, merong 16M votes kay Mayor Duterte , 9.9M kay Mar Roxas at 9.1M kay Grace Poe. Mas maraming boto sina VP Leni at Bongbong na tig-14M. Kaya naman ang mananalong presidente sa Mayo ay makakakuha ng mula 16M hanggang 20M boto.
Pero, ang kampanya ngayon ay mas paglalabanan sa social media, lalot nalagas na ang ABS-CBN sa mainstream media. Humina na rin ang tradisyunal na “political machineries” at talo ang mga kilalang “dynasties”. Ang mga kandidatong malakas ang “online presence” ang may malaking advantage.
Ako’y naniniwala na sa pagdating sa final line-up, ang mga posibleng kombinasyong ay sina Sara Duterte-Bongbong Marcos (Bongbong Marcos-Duterte) , Isko Moreno-Willie Ong, Ping Lacson-Tito Sotto, Manny Pacquiao, Leni Robredo (Antonio Trillanes) , Richard Gordon at Alan Peter Cayetano. Marami pang magbabago kaya, abangan!