Kapatid ni Mahal, mabigat ang loob sa pagpanaw ng komedyana: Sana hindi ko na lang sinabi ‘yun

ILANG araw na rin ang nakakalipas nang mapabalita ang pagpanaw ni Noeme Tesorero o mas kilala sa showbiz bilang si Mahal.

Marami ang nabigla nang lumabas ang ulat na ito sapagkat aktibo sa social media ang komedyante at kamakailan lang ay pumunta pa sa Bicol upang bisitahin at magbigay ng tulong sa kaibigan at dating katrabaho na si Mura.

Labis na ikinalungkot ng pamilya at mga kaibigang naiwan ni Mahal ang balita sa kaniyang pagpanaw dahil sa sakit na COVID-19. Bagamat nadala sa ospital sa Batangas ay hindi na kinaya ni Mahal ang sakit at binawian na ito ng buhay.

Nakapanayam naman ni Boy Abunda ang kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero na nasa Ohio, USA.

Ayon kay Irene, mabigat ang kaniyang loob dahil nagkatampuhan sila bago pumanaw ang kapatid.

“Ito nga ang pinakamasakit sa lahat. ‘Yung last naming pag-uusap, a week before siya nagkasakit, nagkatampuhan kami kasi namatay na si Papa.

“Sabi ko sa kanya kasi nga every morning tatawag ‘yan. Sabi ko, ‘kung ganyan lang naman, umuwi ka nalang. Parang mag-grieve ka muna kay Papa’.

“Si Mahal ang stress niyan, iba. ‘Pag mataas na ang stress niyan, sinisipon na yan. Lagi siyang umiiyak,” kuwento ni Irene.

Dagdag pa niya, hindi raw siguro ganon kabigat ang kanyang pakiramdam kung hindi sila nagkatampuhang magkapatid.

Giit nito, hindi masama ang kanyang loob o kahit ng kanyang pamilya sa kaibigan ng kapatid na si Mygz Molino. Sa halip ay nagpapasalamat pa ang mga ito sa binata.

“Hindi po, lahat kami hindi. Kung tutuusin po, nagpapasalamat po kami kay Mygz kasi hanggang sa huling days ni Mahal, nang nagsimula na siyang magkasakit, nagsasabi na siya, tumatawag siya kay Tita. Sinasabi niya kung ano na ang sitwasyon ni Mahal,” saad nito.

Lubos naman ang panghihinayang ni Irene dahil hindi man lang sila nagkaayos bago mawala ang kapatid.

“Kung pwede lang ibalik ‘yung isang linggo na ‘yun, sana hindi ko na lang sinabi ‘yun. Sana hinayaan ko na lang. Maybe, ‘yung bigat na nararamdaman ko, hindi sana ganito. Kasi minahal ko ‘yan eh. Nagke-care kaming lahat na magkakapatid sa kanya.

Hiling naman ni Irene na sana ay hindi maging stranger ang tingin ni Mygz sa kanilang pamilya dahil siya na lang ang natitirang masayang memorya ni Mahal.

Dagdag pa niya, sana ay bigyan siya ng Panginoon ng kapanatagan ng loob para tanggapin ang pagkawala ni Mahal pati na rin ng kanyang ama.

Read more...