Rabiya umaming nakipag-date sa mas matanda sa kanya: Tatay pala talaga yung hinahanap?!

Rabiya Mateo

NAGHANAP pala ng alagang-ama ang beauty queen na si Rabiya Mateo kaya siya nakipag-date noon sa lalaking pitong taon ang tanda sa kanya.

Diretsahang sinabi ng dalaga na may nanligaw sa kanya noon na mas matanda kesa sa kanya at nagkaroon din ng boyfriend na tatlong taon naman ang agwat sa edad niya.

Kuwento ni Miss Universe Philippines 2020 sa nakaraang episode ng “The Boobay and Tekla Show,” “Three years yung ex ko, pero nakipag-date din ako sa seven years yung gap namin.” 

Dito nga niya nabanggit na maaaring hinahanap niya noon sa isang lalaki ang father figure dahil nga sa buong buhay niya ay ang nanay lamang niya ang nakasama niya.

“Wala akong dad so siguro yung hinahanap ko sa relationship is somebody na mag-aalaga sa akin. Tatay pala talaga yung hinahanap?” ang natawang pahayag ng dalaga.

Nang tanungin kung payag ba siyang makipag-date sa mga lalaking 50 years old pataas, birong sagot ni Rabiya, mag-aaral daw muna siyang maging caregiver.

Ngunit sa huli, sinabi ng Pinay beauty queen na naniniwala pa rin siya sa kasabihang “love has no boundaries” at lahat ay may karapatang magmahal at mahalin.

“As long as kayong dalawa, nasa legal age naman, and if it’s love, wala tayong magagawa. Love has no gender, it has no age. Basta legal kayong dalawa,” aniya pa.

Samantala, sinabi rin ni Rabiya kina Boobay at Tekla na naaapektuhan din siya ng mga hate comments noong sumabak siya sa Miss Universe Philippines 2020. Kabilang na rito ang reaksyon ng ilang netizens na, “isang kabit kaya nanalo.”

“Siguro sobrang dami talaga. Sa sobrang dami parang wala akong maisip. Pero kasi important talaga ‘yun eh. Noong nanalo ako ng Miss Universe Philippines, kasi ‘di ba dark horse ako noon, wala akong kapanga-pangalan, galing sa probinsya, siguro ang narinig kong issue is, ‘Ah kabit ‘yan kaya nanalo ‘yan.’ And that was nasty.

“Kaya siyempre, isa akong babae kung saan lahat ng mayroon ako pinaghihirapan ko.

‘Yung first ko talagang ginawa is kinausap ko ‘yung mama ko. Kasi for example kung may makikita tayong masasakit na comments, kung ako masasaktan, times 10 ‘yun sa nanay ko. 

“So siya talaga ‘yung sinabihan ko na ‘Ma tatagan mo ‘yung loob mo kasi ‘yung pinasok ko, public property na ako, wala na tayong say kung ano man ‘yung gagawing issue ng mga tao.’

“‘Pero ang importante is that alam naman natin na mabuti tayo kahit walang nakatingin sa atin,'” ang sabi pa raw ng dalaga sa kanyang ina.

“Ang iniisip ko, ‘Bakit ganito ‘yung mga tao? Bakit ang sakit nilang magsalita? Bakit napakadali na lang para sa kanila?’

“Pero we have to understand na hindi mo kontrol kung ano ang sasabihin ng mga tao about sa’yo pero kontrol mo kung paano ka magre-react sa mga sinasabi nila,” kuwento pa ni Rabiya.

Read more...