INANUNSIYO ng Malakanyang na pumayag na si Pangulong Duterte sa pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar sa bansa na hindi matindi ang banta ng COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque na kalahating araw lang ang mga klase at hindi magkasunod na linggo na gagawin kundi may pagitan na isang linggo.
Ang Department of Health ang tutukoy sa tindi ng banta ng COVID-19 sa mga piling lugar.
Kinakailangan din aniya na pumasa ang mga klase sa ‘safety assessment’ ng Department of Education (DepEd).
Bukod pa diyan, kinakailangang may ‘written consent’ ang mga magulang para sa pagpasok muli ng kanilang anak sa paaralan.
Sabi pa ni Roque, kailangan ay suportado ng lokal na pamahalaan ang pagbubukas muli ng mga eskuwelahan.
Ayon naman kay DepEd Secretary Leonor Briones, wala pang tiyak na petsa kung kailan magsisimulat ang pilot classes ngunit gagawin aniya ito sa 100 pampublikong paaralan. Pinag-aaralan din ng kagawaran ang pagsasagawa nito sa 20 pampribadong paaralan.
Dagdag ni Briones, nakasalalay sa kahandaan ng isang paaralan ang pagsasagawa ng in-person classes.
Sa ilalim ng inilatag nilang guidelines para sa face-to-face classes, ang mga nasa Kindergaten ay tatanggap lamang ng 12 mag-aaral habang ang mga nasa Baitang 1 to 3 ay 16 mag-aaral. Ang nasa technical-vocational classes naman ay maaaring umabot hanggang 20 mag-aaral.
Ani Briones, ang klase sa Kindergaten hanggang Baitang 3 ay tatagal lamang ng hanggang tatlong oras.
‘Closely monitored’ at magkakaroon ng ‘risk assessments’ ang pilot run na gagawin sa loob ng dalawang buwan.
“Kung safe ang pilot and it is effective then we will gradually increase pero ang mahalaga, bantayan natin kung ano ang risk assessment. Kapag may pagbabago sa risk assessment then talagang ititigil natin,” paliwanag ni Briones.
Inaasahan namang palalawakin ang pagsasagawa ng face-to-face classes kung masisigurong ligtas at epektibo ang itinakdang pilot run.