NANAWAGAN si Senator Imee Marcos sa gobyerno na payagan na ang limitadong ‘face-to-face’ classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19.
“Nagmistulang zombie na ang mga bata, mala-bampira na ang mga nanay at guro dahil sa lampas nang isang taon na distance learning. Ito ang nakakatakot na epekto ng pandemya – ang paunti-unting pagpatay sa kaalaman at mental, emotional at social na kakayahan ng mga batang estudyante pati na rin sa pagpapaubaya at simpatya ng pagod nang mga nanay at mga guro na tinatapos ang kanilang mga gawaing bahay at opisina kahit gabing-gabi na,” sabi niya.
Bunga nito, suportado ng senadora ang nais ng Department of Education, Commission on Higher Education, at National Economic Development Authority (NEDA) na magkaroon ng pilot-testing ng limitadong face-to-face classes sa mga lugar na wala o mababa ang kaso ng COVID 19.
Diin niya, ang distance learning ay hindi pangmatagalan na solusyon at hindi dapat sumasabay sa tagal ng pandemya.
Nangangamba si Marcos na magkakaroon ng henerasyon ng mga kabataang Filipino na napag-iwanan sa de-kalidad na edukasyon dahil sa kawalan na ng gana na magbalik sa pag-aaral o mag-aral.
Aniya halos lahat na ng bansa ang nagbukas na muli ng mga paaralan kasabay ng kanilang pakikkidigma pa rin sa pandemya.
“Maraming estudyante mula sa mahihirap na pamilya ang wala pa ring magamit na gadget o hindi kayang magbayad para magkaroon ng internet para sa online learning at napupwersang hindi na muna mag-enroll para maghanap ng trabaho, habang ang mga nanay naman na personal kong kakilala ay isinuko na o iniwanan ang kanilang mga trabaho para masubaybayang mabuti ang online learning ng kanilang mga anak, at nagpapatuloy ang mga guro sa pagsisikap na pagsabayin ang mas maraming trabaho na kanilang kaya,” banggit pa ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na bagamat may mga hamon ang pagbubukas muli ng mga eskuwelahan, magagawa naman ito at kailangan lang makapag-adjust sa ‘new normal.’