Gigo de Guzman at Claire dela Fuente
HANGGANG ngayon ay nagpaparamdam pa rin ang yumaong OPM icon na si Claire dela Fuente sa anak niyang si Gigo de Guzman.
Ayon kay Gigo, na naging kontrobersyal nang madamay sa Christine Dacera case, nararamdaman niyang patuloy pa rin siyang ginagabayan ng ina kahit na nasa kabilang buhay na ito ngayon.
Nakachikahan namin si Gigo kamakailan sa story conference ng pelikulang “Moonlight Butterfly” ng 3:16 Media Network na ginanap sa pag-aaring resto na kanyang ina na Claire’s restaurant sa Dampa Seaside, Macapagal Avenue sa Pasay City.
Natanong namin siya kung nagpaparamdam ba sa kanya ang pumanaw na nanay, “Sometimes, nagpapakita sa dreams. Happy naman daw po siya.”
Dagdag pa niya, “Minsan, nagbibilin. Like, nag-aano sa sarili, let go of things na mabigat sa puso, parang pinagagaan niya ang pakiramdam ko, mga ganu’n (yung pagpaparamdam niya).”
Alam naman ng lahat na matindi rin ang pinagdaanan sa buhay ni Gigo last year, bukod nga sa pagkasangkot sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera ay sinundan pa ito ng pagpanaw ni Claire noong March 30 dahil sa COVID-19.
Inamin ni Gigo na biglang nagbago ang takbo ng kanyang buhay dahil sa sunud-sunod na pagsubok na hinarap niya noong 2020 pero nagpapasalamat pa rin siya dahil nakaya niyang lampasan ang mga ito.
“Talagang life-altering na po, e. Even I cannot quite comprehend what happened.
“But hindi po ibig sabihin na puwede akong huminto o tumigil. Kailangan po tayong mag-move on and kahit paano, step by step po,” aniya.
Sa tanong kung tuluyan na siyang naka-move on sa mga nangyari, “Hindi po natin masasabi na nakapag-move on completely pero I’m doing my best, lalo na po kaming magkapatid.
“Kasi siyempre, hindi po kami… ahhh, wala pong tutulong sa amin kundi yung sarili namin.
“Step by step naman po, and we have a very good support system. So, we’re thankful for the big love and support from those who look out for us.
“So far, so good. Okey naman po. Pero siyempre, hindi po naman namin masasabi na fully, completely naka-move on na,” lahad pa ni Gigo.
Ibinalita rin niya na may nagpapasaya na sa kanya ngayon — ang bago niyang partner na malaki raw ang naitulong sa pagmu-move on niya, “Yes po. Very much po. Actually, nandito siya (sa storycon).
“Very supportive, very caring and, kumbaga, it really did help. Hindi ko na-expect na may darating. So, surprising lang po, on the positive note, meron pong dumating na blessing,” sabi pa ni Gigo na isa ring chef kaya siya na ngayon ang nagma-manage sa Claire’s restaurant.
“Legacy rin po ito ng nanay ko. Matagal na po kaming nandito. Fifteen years na po ito,” aniya pa.
Tungkol naman sa kanyang pag-aartista, super thankful siya sa 3:16 Media Network nina Melo Uy at Len Carrillo dahil muli siyang binigyan ng chance na maipagpatuloy ang kanyang acting career.
Naging bahagi siya noon ng Trumpets bilang stage actor pero aniya hindi masyadong pabor si Claire sa pagpasok niya sa showbiz.
“To be honest po before, medyo…she didn’t want me to enter showbiz. Yun po ang sa umpisa.
“Pero nu’ng talagang pinakiusapan ko po siya, pinayagan po niya akong mag-acting, here and there po. So, naging supportive na rin po siya.
“I think she will just be happy na I’m doing what I want,” pakli ni Gigo.
Bakit kumontra noon si Claire na mag-showbiz siya?
“Kasi, nanggaling po siya sa showbiz. For her po, yung experience niya, while it was mostly good, there were parts na she also didn’t like,” paliwanag ni Gigo.
“Siyempre, alam naman po natin iyan, nothing is perfect. So, she wanted to protect me from that,” sey pa ni Gigo.
Gagampanan ni Gigo sa “Midnight Butterfly” ang karakter ni Kevin, na may lihim na pagtingin sa kanyang kaibigan at kapwa Nursing student na si Dario (Jolo Estrada).
Bida rito sina Cristine Bermas, Kit Thompson, Albie Casino, Tanya Gomez, Quin Carrillo, Hershei de Leon, Jim Pebangco at Ivan Carapiet.