Gerald Anderson at Julia Barretto
“WALA tayong karapatang mag-judge.” Ito ang ipinagdiinan ng Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson para sa lahat ng taong judgmental.
Naniniwala ang boyfriend ni Julia Barretto na kahit itinuturing na public figure ang mga celebrity at bukas sa madlang pipol ang kanilang mga buhay, may limitasyon pa rin dapat ang “pakikialam” ng mga tao.
Ayon sa binata, natural lang naman sa ugali ng isang tao ang magbigay ng kanyang opinyon o saloobin tungkol sa isang issue o kontrobersiya lalo na kapag sangkot ang mga artista.
Napag-usapan nina Gerald at Julia ang tungkol dito sa isang YouTube vlog kasama ang kaibigan nilang si Dave Dalisay. Isa sa mg tinutukan nilang usapin ay ang matinding pamba-bash at panghuhusga sa mga artista o kahit sa isang ordinaryong tao lamang.
Punto ni Gerald, ang kadalasang nangyayari, nadya-judge ang mga celebrities base lamang sa mga lumalabas sa social media. Mabilis silang nahuhusgahan kahit hindi alam ng publiko ang tunay nilang pinagdaraanan.
Sinang-ayunan naman ito ni Julia, “Social media is different from real life. So, be you.”
Sagot sa kanya ni Gerald, “Masaya ka sa buhay, malungkot sa buhay mo, human nature nating mang-judge.”
“Lahat naman tayo may karapatan sa opinyon natin. At maraming tao na laging may opinyon tungkol sa ibang tao at tungkol sa ibang bagay.
“Pero dapat hanggang doon lang. Kumbaga, kung gusto niyang mamuhay sa ganoong paraan o ano, choice niya iyan, di ba? Wala tayong karapatan mag-judge,” paliwanag pa ng aktor na grabe rin ang natanggap na batikos matapos silang maghiwalay ni Bea Alonzo.
Si Julia ang itinurong third party sa break-up nina Gerald at Bea na binatikos din nang bonggang-bongga ng netizens.
“Maraming perfect sa mundo. Maraming feeling perfect,” ang malalim pang hugot ng Kapamilya actor.
Ayon naman sa kaibigan nina Gerald at Julia na si Dave, sa isang pagkakamali o sablay na nagawa ng isang celebrity ay nakakalimutan na ng publiko ang maraming kabutihang kanyang nagawa.
Reaksyon naman ni Gerald, “Ganoon sa lahat ng bagay. Kunwari sa trabaho, kung lagi kang on time, pero ma-late ka ng isang beses, bad shot ka na, di ba? Ganoon talaga.”
At sa mga ganitong sitwasyon, mas pinipili na lamang ng aktor na intindihin ang mga haters dahil feeling niya sarado na ang isip ng mga ito dahil nahusgahan na siya nang bonggang-bongga.
“So, paggising mo sa umaga, isipin mo lang, gawin mo lang yung best mo bilang tao, bilang trabaho, bilang ano…basta kung saan ka masaya. Kung saan ka mas naging mabuting tao, mas masaya, mas positive,” sabi pa ni Gerald.