Vice inatake ng matinding anxiety dahil sa mataas na hairline: Pero ngayon, wala na akong pake!

Vice Ganda

DIRETSAHANG inamin ng Phenomenal Box-office Star na bumaba ang kanyang self-confidence at tinamaan ng matinding anxiety dahil sa kanyang buhok.

Ayon sa TV host-comedian, totoong nakaranas siya ng matinding lungkot nang mapansin niyang unti-unti nang tumataas ang kanyang hairline. Dahil dito, bumaba nga ang kumpiyansa niya sa sarili.

Sa isang vlog, matapang ngang ipinakita ni Vice sa madlang pipol  ang tunay na itsura ng kanyang buhok kapag wala siyang suot na wig.

Kuha ito sa pag-aaring salon ng TV host-comedian at anak-anakan niyang si Ryan Bang, ang MoriduArt sa Quezon City. Bumisita roon si Vice para magpa-scalp treatment na karaniwang ginagawa para tumubo muli ang buhok.

“Sa lahat ng mga humihiling na masilip ang totoong hair ko, ayan na. Ewan ko ba naman sa mga tao kung bakit interesadong interesado silang makita ‘yung buhok ko. Give ko na sa inyo ‘yan,” pahayag ni Vice.

Ayon sa partner ni Ion Perez, hindi pa naman daw siya nakakalbo pero talagang mataas na ang kanyang hairline na aniya’y resulta raw ng sobrang stress, puyat at pagod.

Sa isang bahagi ng video, nabanggit nga ng komedyante na nagkaranas siya ng anxiety dahil sa tumataas niyang hairline. Ito ang dahilan kung bakit itinago niya ito para huwag mapag-usapan. 

Chika ni Vice, “Kapag bakla ka, gusto mo maganda hair mo. Nung nararamdaman kong ang taas na ng hairline ko, nagbigay siya sa ‘kin ng anxiety. 

“Nalulungkot ako. Kinapitan ako ng hiya. Nahihiya akong makita ng tao na mataas hairline ko,” sey pa ng Kapamilya TV host.

“Tinatago ko talaga siya for a time. Ta’s ayokong pinag-uusapan ‘yung buhok ko. Sobra ako na-insecure. Ta’s bumaba ‘yung self-confidence ko,” aniya pa.

Pero na-realize ni Vice na kailangan niyang tanggapin sa sarili ang katotohanan tungkol sa kanyang hairline. Napatunayan din daw niya na hindi kabawasan sa kanyang pagkatao ang mataas na hairline. 

“Tinaggap ko na siya at in-embrace ko na siya. O, e ano naman kung ganyan ang hairline ko, maganda naman ang fez ko. Hindi naman makakabawas sa pagkatao ko ang ganyang hairline,” katwiran pa ni Vice. 

“It’s not your scalp. It’s not your hairline. It’s your heart,” hirit pa niya.

Wala na rin daw siyang pakialam sa mga sasabihin ng tao tungkol sa mga kakulangan niya dahil ang mahalaga, tanggap na tanggap ni Ion kung sino at ano siya.

“Kung love naman ako ng taong love ko, ano pang pake ko sa sasabihin ng ibang tao. Kung ‘di ako tanggap ng ibang tao, wala na kong pake. Ang mahalaga, tanggap at mahal ako ng taong mahal ko,” chika pa ni Vice.

Ayon naman kay Ryan, naniniwala siya na maaari pang tumubo ang buhok ni Vice sa loob lang ng walong linggo sa pamamagitan ng kanilang scalp treatment.

“Tingnan natin kung may mangyayari sa scalp ko,” sabi naman ni Vice.
Sagot naman ni Ryan sa kanya, “Itapon mo na lahat ng wigs mo kasi tutubo na ‘yan!” 

Read more...